Daughters of Saint Paul

HULYO 2, 2018 LUNES SA IKA-13 NA LINGGO NG TAON San Oliverio Plunkitt

MATEO 8:18-22

Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.” Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”

PAGNINILAY:

Isa sa mga hindi makakalimutang karanasan namin ang misyon namin sa Palawan. Isang buwan po kasi kaming bumisita sa mga bahay-bahay, palipat-lipat sa mga isla sa pagdadala ng mabubuting babasahin at ng Biblia sa mga pamilya.  Pagdating namin sa isang parokya, wala ang kura paroko dahil sa isang emergency. Inihatid kami ng sakristan sa isang kwarto kung saan kami pwedeng tumuloy sa loob ng isang linggo. Marami kaming dalang mga libro at tatlo kaming mga madre  na nakadestino doon sa parokya, pero pang-isahan lang yung kwarto. Nang maiayos na namin ang mga libro, nagtawanan kaming magkakasama dahil wala na kasing lugar na pwedeng tulugan. Naalala namin ang ebanghelyo sa araw na ito, “wala man mahigaan ang ulo ng Anak ng Tao,” pinagkasya namin ang sarili kung saan pwedeng mahimlay kahit sandali. Ginamit naming unan ang ilang libro at natulog kaming nakatiklop ang mga tuhod. Pero tuwang-tuwa kami na naging bukas-loob ang mga tao roon sa Salita ng Diyos at sa kanyang mga aral. Kahit na buong araw kaming naglalakad para bisitahin ang kanilang mga tahanan, nagbibigay kami ng Bible seminar sa gabi para mas marami ang makarinig. Sabik silang nakinig sa mga paliwanag tungkol sa Biblia, at malugod nilang tinangkilik ang mga babasahin upang lumago ang kanilang pananampalataya. Bago matapos ang linggong iyon, unti-unting naubos ang mga libro, at naiunat na namin ang mga binti sa pagtulog.  Sinasabi ni Jesus na hindi madali ang maging alagad niya dahil wala itong kaginhawaan at seguridad. At pinaaalalahanan din niya ang mga alagad na nangunguna ang pagsunod sa kanya sa lahat ng iba pang mga obligasyon.  Kapanalig, tinatawag ka ba ng Panginoon? Handa ka bang tumalikod sa lahat ng karangyaan, kasiyahan at kaginhawahan para sa kanya?