BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-labintatlong Linggo sa Karaniwang panahon ng ating liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa isang linggong nagdaan; sa mga biyaya at pagpapala lalo na sa mga kahilingan nating tinugon Niya; maging sa mga kahilingan nating hindi Niya tinugon. Dahil buo ang pananalig natin na bilang Butihin nating Ama, ipagkakaloob lamang ng Diyos ang mga bagay na makabubuti sa atin, sa panahong Kanyang itinakda. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Buksan na natin ang puso’t – isip sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata sampu, talata tatlumpu’t pito hanggang apatnapu’t dalawa.
EBANGHELYO: MATEO 10:37-42
Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumatanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumatanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa ating Ebanghelyo ngayon, itinuturo ng ating Panginoong Hesus ang kahalagahan ng pagiging mapagmalasakit at bukas sa pagtanggap sa ating kapwa. Nangako siya na may tatanggaping gantimpala ang sinumang magsasabuhay nito. Ang sinumang tumanggap sa kapwa, ay tinatanggap din ang Panginoon. Ang sinumang gumagawa ng kabutihan sa kapwa, ay gumagawa ng kabutihan sa Panginoon. Kaya naman napakahalagang wala tayong pinipili sa ating mga paglilingkuran at gagawan ng kabutihan. Sa kabilang banda, ipinapangako rin ni Hesus na pagpapalain ang mga taong tumatanggap at tumutulong sa kanyang mga alagad. Binabanggit niya ang principle of reciprocity, kung saan ang mga tumatanggap at tumatangkilik sa mga alagad ng Diyos, mga propeta, at matuwid na tao ay tatanggap rin ng gantimpala at biyaya mula sa Diyos. Kahit ang pinakamaliit na gawa ng kabutihan at suporta, tulad ng pag-aalok ng isang baso ng malamig na tubig sa isang alagad, ay hindi maaaring hindi mapansin ng Diyos. Mga kapatid, maliwanag ang paanyaya sa atin ng ating Ebanghelyo: ang maging mabuti sa kapwa. Sa mundo kung saan nagkakanya-kanya ang marami at laging inuuna ang sarili, napakahalaga ng pagsaksi nating mga Kristiyano sa kagandahan ng pagiging mabuti, mapagmalasakit at mapagbigay sa ating kapwa. Ipanalangin natin na sana ay magawa natin ito. Amen.