Daughters of Saint Paul

HULYO 20, 2020 – LUNES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 12:38 –42

Sinabi ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo. Siya nga po guro” Sumagot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung papaanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao. Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagumbuhay sila sa pangaral ni Jonas, Sa paghuhukom babangon ang reyna ng timog kasama ang mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Para sa isang taong ayaw maniwala, walang paliwanag ang magiging sapat. Kaya kahit anong palatandaan ang ipakita ni Jesus sa mga Pariseo, hindi sila maniniwala. Sa simula pa lang ay hindi na kaliwanagan ng isip ang pakay ng mga Pariseo kaya sila humihingi ng tanda kundi upang subukin lang ang kakayahan ni Jesus. Sa ating buhay, minsan nanghihingi rin tayo ng tanda o “sign” mula sa Diyos, lalo na kung nahihirapan tayong magdesisyon. Bakit nga ba natin ito ginagawa? Yung iba sinasabi nilang nagtitiwala silang nakapaloob sa “sign” ang kalooban ng Diyos para sa kanila. Yung iba naman ay tulad ng mga Pariseo na sinusubok lang ang kakayahan at kung hanggang saan ang pag-ibig ng Diyos para sa kanila. Pero para sa isang taong tunay na naniniwala sa pag-ibig ng Diyos, hindi na kinakailangan pa ang anumang tanda. 

PANALANGIN:

Panginoon tulungan po ninyo kaming maniwala sa inyong pag-ibig sa amin kahit na minsan ay nahihirapan kaming maramdaman ang inyong presensya dahil sa bigat ng aming mga suliranin at pasanin. Gabayan nawa kami ng inyong Banal na Espiritu upang bigyan kami ng lakas ng loob at kaliwanagan ng pag-iisip. Amen.