EBANGHELYO: Mt 12:46-50
Nagsasalita pa si Hesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makusap.” Sumagot si Hesus: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa ng kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Siony Japzon Ramos ang pagninilay sa ebanghelyo. Sino ang aking ina? Sino-sino ang aking mga kapatid? Ang bigat ng pahayag na ito ni Hesus kasi nandudoon si Maria. Ano ang pakahulugan ng sinabi ni Hesus, “kung sino ang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ay aking kapatid at Ina”? Mga kapatid, magalak tayo! Kung ikaw at ako ay sumusunod sa kalooban ng Ama, dahil kabilang tayo sa tinutukoy ni Hesus dito. Paano nga ba tayo makakasunod sa kalooban ng Ama sa langit at mapabilang sa kaharian ng Diyos? Manalangin tayo at humingi ng biyaya na makasunod kung ano ang kanyang kalooban. Ang isang pamilya ay pinagbubuklod ng pagmamahalan, pagmamalasakitan, pagtutulungan at pag-uunawaan ng bawat isa. Pinaaalahanan tayo na kung mahal nating tunay ang Diyos dapat din mahal natin ang ating kapwa. Sa aming community, ang Istituto Santa Pamilya, simula noong Pebrero hanggang ngayon araw-araw kaming nagdarasal virtually, at nagkukumustahan. Dito ko nakita at naramdaman ang malaking pagbabago ng bawat member, umunlad sa pagmamahalan, pag-uunawaan at pagkakaisa at higit sa lahat, lumago ang pananampalataya sa Diyos. Isang pamilyang nagdadamayan sa tuwa at lungkot. Si Maria ay tunay na ina at pamilya ni Hesus, kaya lubhang nag-aalala siya kay Hesus dahil sa dami ng tao at gawain para sa kanyang Ama sa langit. Ginampanan ni Maria nang buong husay at katapatan ang kanyang pagiging ina, ang pinakadakilang bokasyon sa lahat. Kung tapat tayo sa anumang bokasyon na ipinag-katiwala sa atin ng Diyos, nagampanan na natin ang ating misyon. Ang pagtalima sa kalooban ng ating Ama sa langit ay pang habambuhay na tungkulin ng bawat kristyano. Anuman ang ating gawain na taus-pusong inaalay sa Diyos, ang magdadala sa atin sa kabanalan at hindi na lalayo sa iyo ang kaharian ng Diyos.
PANALANGIN
Mapagmahal naming Diyos dalangin po namin na pagpalain ang bawat pamilyang ibinigay mo sa amin, kaibigan at congregation. Punuin Mo po ang bawat puso ng pagmamahalan at unawaan… Tulungan nyo po kaming sundin ang Iyong kalooban para sa amin, Amen.