Daughters of Saint Paul

HULYO 20, 2023 – HUWEBES NG IKA–15 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON – San Apolinario, obispo at mártir

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes kapatid kay Kristo!  Kumusta po kayo?  Nawa’y lagi kayong masigla at mapagpasalamat sa Diyos, anuman ang pinagdadaanan ninyo sa buhay.  Kung meron man sa atin ngayon na nalilito, natataranta, at nawawalan na ng pag-asa dahil sa matitinding pagsubok sa buhay, humugot tayo ng lakas sa paanyaya ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo na “Lumapit sa Kanya, lahat tayong nahihirapan at may pinapasan at pagiginhawahin Niya tayo.”  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pakikinig ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing-isa, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu.

EBANGHELYO: Mt 11:28-30

Sinabi ni Hesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Rev. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa ating paglalakbay dito sa dagat ng buhay maraming iba’t ibang pamatok na dumarating sa atin. Oo, mga pamatok, mga pagsubok, mga hamon, mga bagay na susubukin ang ating kakayahan, ang ating pasensya, ang ating abilidad. Madalas nalalampasan natin, madalas ok lang tayo, minsan kinakaya na lang natin. Pero may mga pagkakataon at mga araw na nakararamdam din tayo ng pagod, ng panghihina at animo’y gusto nang sumuko. Halimbawa: tanungin natin, mabigat ba ang isang baso ng tubig? Ah siyempre hindi, kayang kaya nating hawakan ang isang baso ng tubig. Pero subukan mong hawakan ang isang baso ng tubing ng isang oras, ng dalawang oras, o ng isang buong araw? Hindi ba mapapagod ka rin, mangangalay ka rin? Ganito rin tayo sa mga pinagdadanan nating pagsubok, maliit man o malaki. Mga kapatid, alam ng Panginoon ang ating pinagdadaanan. Alam niya kung gaano kabigat ang araw-araw nating nararanasan. Kaya nga inaanyayahan niya tayo na lumapit sa Kanya. Pangako Niya sa atin na maginhawa at magaan ang kanyang pamatok at pasanin. Liwanagin natin, hindi niya sinasabi na walang pagsubok o pasanin kung lalapit tayo sa kanya. Laging merong pagsubok sa buhay ng tao. Mayroong krus ang bawat isa na minsan ang bigat ay hindi masusukat at ang bunga sa puso at isip ay sadyang di ano lamang. Pero sinasabi ng Panginoon na bagamat mayroon siyang pamatok o pasanin, magaang ito, bakit? Dahil kapiling natin ang Diyos. Siguradong sasamahan at tutulungan niya tayo. Siya ang ating Mabuting Pastol na inaalalayan tayo sa pagdadala ng mga pasanin sa buhay, sa pag harap sa mga pagsubok. Kung ang mga pagsubok na ibinibigay ng mundo ay labis na ang bigat para sa atin, alalahanin natin, lumapit tayo kay Hesus, kasama natin ang Panginoon at kailanman ay hindi niya tayo pababayaan. Amen.