Ebanghelyo: Mt 12:14-21
Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila masisiraan si Jesus. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamalita. Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.
kapatid, itutuloy mo pa ba ang paggawa ng kabutihan kung sa paligid mo ay may mga naninira at nang-aaway sa iyo? Ganito ang sitwasyon ni Jesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Marami siyang tinulungan at pinagaling subalit binabalakan pa syang ipahamak ng mga Pariseo. Dumarami ang naniniwala kay Jesus kaya natatakot sila na baka gamitin ni Jesus ang kanyang impluwensya laban sa kanila. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang upang patuloy na magturo at magpagaling si Jesus ng mga may sakit. Naalala ko tuloy noong nasa katungkulan pa ang dating VP Leni Robredo. Kaliwa’t kanan ang panggigipit at panlalait sa kanya ng kanyang mga kalaban sa politika, subalit hindi ‘yon naging hadlang upang patuloy nyang gampanan ang kanyang tungkulin at tumulong sa mga nangangailangan. Kakarampot man ang ibinigay na budget sa kanya, naglingkod siya at naghatid ng mga ayuda sa tulong ng mga nagtitiwala sa kanya. Kapatid, ganito rin ang sinapit ni San Apolinario, obispo at martir, na ginugunita natin ngayon. Nagpahayag siya ng Mabuting Balita ni Jesus kaya dumami ang converts sa Kristiyanismo. Dahil dito, pinag-initan din sya, maraming beses syang ipinagtabuyan palabas ng lungsod. Subalit hindi sya tumigil sa pagpapahayag ng Mabuting Balita kaya sya ay higit na pinahirapan hanggang mamatay.
Additional: Hingin natin ang biyaya ng Banal na Spiritu na pakapatatagin tayo upang huwag tayong igupo ng mga kahirapan at pasakit sa buhay bagkus patuloy tayong lumaban sa mga hamon ng buhay sa tulong at pagpapala ng Diyos at ng ating mahal na Inang si Maria.