Ex 11:10 – 12:14 – Slm 116 – Mt 12:1-8
Mt 12:1-8
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin ‘yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!”
Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n’yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito?
“Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan n’yong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi n’yo sana hinatulan ang walang-sala.
At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, ipinagtanggol ni Jesus ang Kanyang mga alagad sa pag-uusig ng mga Pariseo. Ginawa Niya ito, hindi upang kontrahin ang kautusan o ang itinakdang araw ng pahinga, kundi para tutulan ang maling pagsasabuhay nito na mas binigyang halaga ang batas kaysa sa buhay at kabutihan ng tao. Para kay Jesus, hindi dapat itigil ang gawaing pagliligtas. Hindi ito nasasakop ng panahon, at dapat gawin sa lahat ng sandali maging sa Araw ng Pahinga. Mga kapatid, ang ating mga Doktor at Nurses, nagtatrabaho kahit araw ng Linggo, ang ating mga Pari, busy kung araw ng Linggo, pero nagkakasala ba sila? Hindi po, dahil iyon ang kanilang misyon. Paano kaya kung ang lahat ng Doktors at Nurses, mag-day-off sa araw ng Linggo? Isipin n’yo na lang ang gulong mangyayari. Siguro, pagdating ng Lunes, maraming patay sa hospital. Ganoon pa man ang mga taong kailangang magtrabaho kung araw ng Linggo, marapat na magsikap na maglaan ng araw ng pamamahinga at pananalangin. Katulad ng mga pari na naglalaan ng araw upang magpahinga, mag-aral at manalangin na kalimitan nilang ginagawa tuwing Lunes. Magandang maunawaan natin ang malalim na dahilan kung bakit mayroong mga “batas”, para taos puso ang pagtupad natin nito. Katulad ng obligasyon nating magsimba tuwing araw ng Linggo, malugod ba natin itong tinutupad bilang tanda ng ating pagmamahal at pasasalamat sa Diyos? O isa itong pasaning mabigat na nagiging sagabal sa ating mga lakad at pinagkakaabalahan? Suriin natin ang ating sarili…