EBANGHELYO : Mt 12:46–50
Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makusap.” Sumagot si Jesus: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa ng kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, dalawang bagay ang dapat nating unawain sa sinabi ng Panginoong Jesus: Na ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit, ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae at ina. Una, ang salitang kapatid na ginamit ni Jesus ayon sa kultura ng mga Judio, ay tumutukoy sa Kanyang mga kamag-anak na lalaki at babae. Kaya hindi dapat isipin ng sinumang makababasa o makaririnig ng mga talatang ito, na may mga biological na kapatid si Jesus sa kanyang inang si Maria. Ikalawa, ninanais ipaabot ng ating Panginoong Jesus ang mensahe tungkol sa ating pakikipag-ugnayan sa kanya. Mahalaga ang ugnayan ng magkakamag-anak. Sabi nga nila, “Blood is thicker than water.” Pero higit pa sa ugnayan ng laman, ang ugnayan na mas nakalulugod sa Diyos. Para kay Jesus, ang ugnayan sa ating pagiging magkakapatid sa iisang Diyos, ay higit na mahalaga. Malinaw na ang pagkilala at pagsunod sa kalooban ng Diyos ang siyang pangunahing pamantayan upang maipakita ang kaugnayan natin kay Jesus. Hindi ba’t sa dasal na Ama Namin, ay atin ring sinasambit na nawa’y “sundin ang loob” ng Ama? Hindi ang ating kalooban kundi ang kalooban ng Diyos na ating mapagkakatiwalaan ang dapat na maging gabay sa ating buhay. Dahil d’yan higit na naipapakita ang ating pagmamahal sa Ama. Pero, marahil itatanong ninyo, paano ba natin malalaman ang kalooban ng Ama sa Langit? Mga kapatid, ang Panginoong Jesus – na Siyang ating daan, ang katotohanan at buhay – ang tanging may kasagutan. Siya ang huwaran natin sa pagtupad ng kalooban ng Ama. Nasusulat sa Ebanghelyo ang kanyang mga ginawa bilang pagtupad sa kalooban ng Ama. Wala siyang ginawa sa ganang kanya – lahat ng kanyang mga desisyon at pagkilos, ay isinasangguni lahat sa Ama. Kaya maraming pagkakataong siya’y nananalangin para malaman ang kalooban ng Diyos Ama. Iyan din ang panawagan sa atin ngayon. Tularan ang Panginoong Jesus sa Kanyang buhay panalangin. Makakatulong din ang araw-araw nating pagbabasa at pagninilay ng Salita ng Diyos nang malaman nati’t masundan ang Kanyang kalooban.
PANALANGIN:
Panginoon, patatagin Mo po ang aking pananampalataya at buhay panalangin nang masundan ko ang Iyong banal na kalooban. Amen.