BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo. Dakilain natin ang Panginoong Butihin! Pasalamatan natin Siya sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang makibahagi sa Kanyang misyon na magmahal at magpakabanal. Kaya patuloy Niya tayong tinuturuan ng tamang pag-unawa sa batas ng Araw ng pahinga. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pagninilay ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labindalawa, talata isa hanggang walo.
EBANGHELYO: Mt 12:1-8
Naglakad si Hesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin ‘yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Hesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n’yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan n’yong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi n’yo sana hinatulan ang walang-sala. At isa pa, ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Mennen Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, narinig nating sinabi ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita: “Habag ang nais ko at hindi handog.” Nagutom at kumain ang mga alagad, sa Araw ng Pamamahinga. Pero sinabi ng mga Pariseo, na mahigpit na ipinagbabawal ng Kautusan ang kumain sa Araw ng Pamamahinga. Ang Kautusan ay patnubay o gabay sa ating buhay, pero kung mas pinapahalagahan ito, kesa sa buhay ng tao, hindi ito tama. Kung papansinin natin, ang mga “house rules and duties” ng bawat pamilya, naipapaliwanag ba ito bilang responsibilidad ng bawat isa? Kung may isang miyembro na hindi nakapaglinis ng bahay dahil sa schoolwork, hindi naman yata tama, na hindi pakainin ng buong araw. O kung sa opisina naman, na late ang empleyado dahil may sakit ang anak, hindi naman yata tama, na sigawan o tanggalin agad sa puwesto ang “casual worker”. Nawa’y sa araw-araw nating pakikitungo sa kapwa, manaig sa puso natin ang habag ng Diyos.
PANALANGIN:
Panginoong Diyos, maraming salamat po sa araw-araw na mga biyaya! Lubos po kaming nagpapasalamat sa’yong wagas na pagmamahal, kahit hindi kami karapat-dapat. Itulot Mo po na maging maunawain kami at mahabagin, sa pagkukulang ng aming kapwa. At makita din sana namin ang sariling pagkakamali at maiwaksi ito. Patawad po sa mga pagkakataong naging mapanghusga kami sa kahinaan ng iba. Tulungan Mo po kaming maging Mapagpatawad at Mapagmahal, Amen.