Daughters of Saint Paul

Hulyo 21, 2024 – ika-16 Linggo sa Karaniwang Panahon 

Ebanghelyo: Mark 6:30-34

Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman ni niya sa kanila:”Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa sa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.

Pagninilay:

Noong nakaraang Linggo narinig natin na isinugo ni Jesus ang mga Apostol upang ipahayag ang mabuting balita at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. Ngayon naman, bumalik na sila at iniulat ang lahat ng kanilang naisagawa at naituro. Kaya inanyayahan sila ni Jesus na magtungo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga sila ng kaunti. Kaya lang, sinun-dan pa rin sila ng napakaraming tao. Nang makita ito ni Jesus, nahabag siya sapagkat para silang mga tupang walang pastol. Kaya’t tinuruan niya sila ng maraming bagay.

Ipinaliwanag kamakailan ni Pope Francis ang mga katangian ng leadership ayon kay Jesus. Sabi ni Pope Francis: ang tunay na pamumuno ay nakasentro sa paglilingkod, ang pag-aalay ng buhay para gabayan ang tao tungo sa Diyos Ama. Ang tunay na leader ay marunong humubog ng iba pang leader. Personal pero hindi eksklusibo ang leadership. Ang mahusay na pinuno ay mabunga, bumubuo siya ang isang komunidad at marunong siyang magtrabaho kasama ng iba. Kahit na pagod na ang mga alagad at kailangan nila ng pahinga, nahabag si Jesus sa mga taong parang mga tupang walang pastol. Kaya’t tinuruan sila ng maraming bagay. Kailangan natin ngayon ng bagong misyon at makabagong mga misyonero – na maghahatid ng mapagkalingang habag ng Diyos sa bawat puso. Huwag nating kalimutan na nauuhaw sa Diyos ang bawat puso ng tao. Kailangan marinig ng napakaraming tao ang mabuting balita na buhay si Jesus. Na minamahal niya tayo. Kapatid, tinatawag tayong lahat ni Jesus na maglingkod. Handa ka na ba? Ano’ng magagawa mo ngayon bilang panimula?