MARCOS 6:30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman ni niya sa kanila: ”Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo'y marami ang paroo't parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar.
Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa sa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
PAGNINILAY:
Habang lumalalim ang pagkilala ng mga alagad kay Jesus, lalong sumisigla ang kanilang pagsunod sa Kanya. Lalong tumitibay ang kanilang pananalig sa Kanyang mga sinasabi at lalong tumitindi ang kanilang pakikiisa sa mga gawain at mithiin ni Jesus sa sanlibutan. Napatibayan nila na alam ni Jesus ang pangangailangan ng mga taong minamahal niya at hindi siya kailanman magkakait ng tulong sa alinmang lugar at panahon. Sa pagbasa ngayong araw, bumalik ang mga alagad kay Jesus na pagod na pagod at nagugutom dahil sa kanilang ginawang pangangaral. Kaya, binalak ni Jesus na pumunta sila sa isang ilang na lugar para makakain at makapagpahinga. Tunay, inaalala ni Jesus ang kapakanan ng kanyang mga alagad. Pero, patuloy pa rin silang hinabol ng maraming tao. At pagdating nga nila sa pampang, naawa si Jesus sa kanila dahil “para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.” Madalas, HINDI LAMANG pera o pagkain o iba pang materyal na bagay ang dapat nating ibigay sa mga humihingi ng tulong. Higit pa, kailangang maturuan sila nang wasto para makapagbagong-buhay, maitama ang mali, at magkaroon ng sapat na lakas ng loob at pag-asa para magawa ang pinakamabuti para sa sarili at sa iba pang bahagi ng buhay nila.