Daughters of Saint Paul

HULYO 22, 2020 – MIYERKULES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Jn 20:1-2, 11-18

Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakit ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Mr. Edwin Valles ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Bakit ba tumatangis si Maria Magdalena? Sinasabi sa ebanghelyo na nababahala siya sa pagkawala ng katawan ni Hesus sa pinaglibingan nito. Maari ang kanyang pagtangis ay pagkatakot sa kung ano man ang kinahantungan ng nawawalang katawan ng kanyang mahal na si Hesus. Maari rin na ang kanyang pagtangis ay pakikidalamhati sa sinapit na pasakit ng Panginoon dahil isa siyang testigo sa hapis na dinanas ni Hesus sa Krus. At ang ikatlong maaring dahilan ay ang kanyang pagtangis sa naging makasalanang buhay dala ng pitong diyablo. Pero kahit ano pa man ang dahilan, nawala ang kanyang pagtangis sa isang tawag ni Hesus. Mga kapatid, tayo rin ba’y tumatangis sa ating pagkawala, mga dalamhati, o mga kasalanan? Sa lahat ng ating mga tinatangis sa buhay, pakinggan natin ng taimtim ang pagtawag sa atin ni Hesus.