BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ni Santa Maria Magdalena. (Sa kabila ng pagiging makasalanan sa simula, naging matapat na tagasunod siya ng Panginoon hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating maging tagapagpahayag din tayo ng Mabuting Balita ng Panginoon.) Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata dalawampu, talata isa hanggang dalawa, at talata labing-isa hanggang labinwalo.
EBANGHELYO: Jn 20:1-2,11-18
Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Hesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Hesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Hesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Sinabi sa kanya ni Hesus: “Bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni”, na ang ibig sabihin ay Guro. Sinabi sa kanya ni Hesus: “Huwag mo akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaka-akyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at sa Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo. Si Maria Magdalena ay kilala bilang isang mapagmahal na tagasunod ni Hesus. Sa kanyang mga karanasan, maaaring makapulot tayo ng ilang aral na makapagbibigay-inspirasyon at patnubay sa ating sariling buhay: Ang una ay tungkol sa kapatawaran at pagbabago. Ang kuwento ni Maria Magdalena ay nagpapakita na walang kasalanan o nakaraan na hindi kayang linisin at patawarin ng Diyos. Ang isa pang mahalagang aral mula kay Maria Magdalena ay ang kahalagahan ng pananalig at pag-asa sa pagkabuhay. Siya ang unang nakasaksi sa muling pagkabuhay ni Hesus matapos ang kanyang pagkamatay sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang pananalig at pag-aasam, naging bahagi siya ng isang dakilang kaganapan sa kasaysayan ng kaligtasan. Mga kapatid, sa pamamagitan ng mga aral na ito mula kay Maria Magdalena, matutuhan natin ang kabutihan ng kapatawaran, pagbabago, pananalig, at pag-asa. Ang kanyang kuwento ay nagbibigay ng inspirasyon at pag-asa sa lahat ng mga nagnanais na maging tapat sa kanilang pananampalataya at magpakita ng tunay na pag-ibig sa Diyos at kapwa. Santa Maria Magdalena, ipanalangin mo kami. Amen.