Ebanghelyo: Jn 20:1-2, 11-18
Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakit ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Ipinagdiriwang ngayon ng Simbahang Katoliko ang kapistahan ni Sta. Maria Magdalena. Tinagurian siyang “apostol sa mga apostoles” dahil sa kanya unang nagpakita si Hesus na muling nabuhay, at isinugo siya sa mga apostoles para ihatid ang mabuting balita ng kanyang muling pagkabuhay. Ayon sa Mabuting Balita na narinig natin, malungkot at umiiyak si Maria Magdalena sapagkat wala ang katawan ni Hesus sa libingan. Pero ganoon na lamang ang kanyang kagalakan nang ma-realized niya na ang kausap pala niya ay si Kristong muling nabuhay. Kapatid, ‘di ba minsan, ganoon din tayo? ‘Pag punumpuno ng pighati ang ating puso at kalooban, hindi natin makita ang katotohanan, malabo ang ating isipan, ang pang-unawa, sarado ang puso. Dahil nakatuon lamang ang ating buong pansin sa pighating nakabalot sa ating puso at kalooban. Sa mga ganitong pagkakataon, kinakailangan natin ang biyaya ng Diyos para maliwanagan ang ating puso’t isipan at makita ang katotohanan. Tulad ni Maria Magdalena, tayo rin ay sinusugo ni Kristo na ipahayag ang Mabuting Balita sa bawat isa. Nawa’y mapuspos ng pag-ibig ni Kristong muling nabuhay ang ating buhay. Inihahayag ni Kristo ang sarili sa mga pusong nagmamahal, sumasaksi, naghahanap at sumasamba sa kanya. Nang sa gayon, tulad ni Maria Magdalena tayong lahat ay maging mga apostol upang ipahayag ang kanyang Mabuting Balita hanggang sa dulo ng daigdig.