Daughters of Saint Paul

HULYO 23, 2021 – BIYERNES SA IKA -16 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 13:18-23

“Kaya pakinggan ninyo ang talinhaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig sa salita ukol sa Kaharian ng Diyos ngunit hindi nakakaunawa ay tulad ng mga binhing nahasik sa tabing daan, dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ang binhing nahulog sa batuhan ay yaong nakikinig at masayang tumatanggap ng salita ngunit sa kawalan ng ugat ay hindi nagtagal at pagdating ng sakuna o pag-uusig ay nanghihina ang loob. Ang nahasik sa mga dawagan ay yaong nakikinig ng salita ngunit ito ay inilihis ng kabalisahan sa daigdig at ng hipo ng kayamanan kaya’t hindi nagbubunga.  Ang nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawaan ito; dahil d’yan ay may nagbubunga ng tig-iisang daan, ng tig-aanimnapu, ng tig-tatatlumpu.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Lucia Olalia ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik. Ang manghahasik ay ang Panginoon, ang binhi ay ang Salita ng Diyos at ang lupa ay ang mga tao/ tayo na nakikinig sa Salita ng Diyos.  Mababasa din natin sa Mga Sulat sa Hebreo kabanata apat, talata labindalawa (4:12)  na Buhay ang Salita ng Diyos… tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu… at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng tao. Sa Ikalawang Timoteo kabanata tatlo, talata labing-anim (2 Tim 3:16), ganito ang sinasabi: “Ang Kasulatan ay kapaki-pakinabang sa pagtuturo, pagkumbinsi, pagtutuwid at pagpapakabanal.”// Mga kapatid, kung ganito kabisa ang Banal na Salita ng Diyos bakit kaya hindi natin bigyang panahong basahin, pakinggan at unawain ito? Bakit mas pinag-uukulan natin ng panahon ang magbabad sa social media, panonood ng sine, teleserye, mag video games, atbp? Bakit marami sa atin ang pumupunta at naghahanap ng kasiyahan kung saan-saan, na pawang panandalian lamang? Mga kapatid, naghihintay sa bawat isa sa atin ang Buhay na Salita ng Diyos… subukan mo/ at masasambit mo ang nasusulat sa Salmo 119:103 “kay tamis namnamin ang mga pangako mo, higit pa kaysa pulot sa bibig ko.// Harinawang matulad tayo sa “matabang lupa” kung saan pwedeng mamunga nang masagana ang Salita ng ating Diyos.// 

PANALANGIN

Panginoon, nawa’y maging tanglaw sa aking landas ang Iyong Salita at ng hindi ako maligaw at mapalayo sa Iyo.  Amen.