BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-Labing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa di-mabilang na mga biyaya at pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin hanggang sa oras na ito. Lalo na ang panibagong pagkakataon na baguhin ang sarili, pagsisisihan ang mga nagawang kasalanan, at magbalik-loob sa Kanya. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata dalawampu’t apat hanggang tatlumpu.
EBANGHELYO: Mt 13:24–30
Binigyan ni Hesus ang mga tao ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masasamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis. Nang tumubo ang mga tanim at nag-simulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabu-buting buto ang inihasik mo sa bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo, mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin ninyo muna ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. May dalawang magkaugnay na reyalidad ang nais sabihin ng talinhaga sa ating Gospel ngayon: UNA, NA TAYO’Y PATULOY NA NAKIKIPAGLABAN SA KASALANAN; AT IKALAWA, NA SA HULI’Y MANANAIG ANG KABUTIHAN. WALANG MAKAHAHADLANG SA PLANO NG DIYOS UPANG MAGING GANAP ANG KANYANG PAGHAHARI DITO SA MUNDO. Ikakalat at ikakalat ng Diyos ang kanyang salita at gawa sa mundo upang maging ganap ang kapayapaan, katarungan, at pag-ibig, kahit na anupaman ang maging pagtanggap natin dito. Pero, huwag kang pakampante dahil sa araw ng paghuhukom, tanging ang mga nanatiling tapat ang siyang makakasama ng Diyos. Kapatid, ano ang dapat mong gawin habang may panahon ka pa dito sa mundo? Huwag kang pagagamit sa kasamaan, piliin mo lagi ang kabutihan. MAGING MATATAG KA AT HUWAG PAPADALA SA UDYOK NG KASALANAN. Sa pang araw-araw nating buhay, kinakailangan nating mag desisyong pumili sa pagitan ng pang-aapi o pagtulong? Galit o pagmamahal? Poot o pagpapatawad? buhay o kamatayan? At alam natin kung alin sa mga ito ang magdadala sa atin patungo sa Diyos: Pagtutulungan, pagmamahalan, pagpapatawad, at buhay.
PANALANGIN
Panginoon, nawa’y lagi akong gabayan ng Iyong Espiritu, na piliin ka lagi sa anumang oras at anumang pagkakataon. Makapiling nawa kita sa huling sandali ng aking buhay. Amen.