Ex 14:5-18 – Ex 15 – Mt 12:38-42
Mt 12:38-42
Sinabi ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao."
“Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagumbuhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito’y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ang mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang mga eskriba at Pariseo, mga saksi sa mga himalang ginawa ni Jesus para sa mga mahihirap, makasalanan at maysakit. Mga palatandaan ito na ang pamamayani ng kagandahang-loob ng Diyos, sumapit na sa sangkatauhan. Gayunpaman, minamaliit ng mga pinunong relihiyon si Jesus at sinabihang ang Kanyang mga himala, mula sa prinsepe ng mga demonyo. Kahit humihingi sila ng tanda, hindi naman sila naniniwala. Ang iniaalok ni Jesus, hindi isang kagila-gilalas na himala, kundi ang Kanyang kapalaran na maihahambing sa kapalaran ni propeta Jonas. Siya’y maghihirap, mamamatay at muling mabubuhay sa loob ng tatlong araw. Dapat Siyang tanggapin ng lahat ng tao upang sila’y maligtas. Dahil hindi nakita ng mga eskriba at mga Pariseo ang “tanda ni Jonas” sila’y hahatulan ng mga paganong naniwala at sumunod sa panawagan ni Jonas at Solomon. Sa ating pang-araw-araw na buhay humihingi rin ba tayo ng tanda na tunay tayong mahal ng Diyos? Minsan sa sobrang pagkainip natin, dahil hindi pa binibigay ng Diyos ang ating kahilingan, pinagdududahan na natin ang Kanyang pagmamahal. Minsan pa nga tinatanong natin, totoo nga kayang may Diyos? Kapatid, ang magduda sa pananatili ng Diyos, tanda ng kawalan ng pananampalataya. Hindi pa ba sapat na tanda ang pag-aalay Niya ng buhay sa Krus para tubusin ka sa kasalanan? Hindi pa sapat na tanda ang maraming pagkakataong iniligtas ka sa malubhang karamdaman at kapahamakan? Panginoon, patawarin mo po ako sa maraming pagkakataong pinagdudahan ko ang Iyong pagmamahal at pananatili sa aming piling. Amen.