EBANGHELYO : Mt 13:18-23
Kaya pakinggan ninyo ang talinhaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig sa salita ukol sa Kaharian ng Diyos ngunit hindi nakakaunawa ay tulad ng mga binhing nahasik sa tabing daan, dumating ang Masama at inagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ang binhing nahulog sa batuhan ay yaong nakikinig at masayang tumatanggap ng salita. Ngunit sa kawalan nang ugat ay hindi nagtagal at pagdating ng sakuna o pag-uusig ay nanghihina ang loob. Ang nahasik sa mga dawagan ay yaong nakikinig ng salita, Ngunit ito ay iniinis ng kabalisahan sa daigdig. At nanghibo ng kayamanan kaya’t hindi nagbubunga. Ang nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawaan ito. Dahil diyan ay may nagbubunga ng tig iisangdaan ng tig aanimnapo ng tig tatatlumpo
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Seminarian Braindel Rene Cabanog ng Diocese of Paranaque ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Naranasan nyo na sigurong malagay sa sitwasyon na hindi nyo gusto. May mga nakuntento na sa abang kalagayan dahil tanggap na nilang mahirap ang buhay. Meron din namang nagsusumikap bumangon at ginagawa ang makakakaya para makaahon sa kinasadlakang buhay. Ika nga ng isang awit, “Di ko ninais na ako’y isilang, ngunit salamat dahil may buhay.” Paalala sa atin ng Ebanghelyo ngayon na hindi man natin ginusto ang mga nangyayari sa atin ngayon, pero heto tayo at buhay. At hangga’t tayo’y humihinga, may pag-asa pa. Tuwing binabasa natin ang parable ng seeds, lagi nating hinahambing ang sarili sa kung anong klaseng lupa tayo. Pero nakakalimutan natin ang mahahalagang bagay sa talinghaga. Una, na tayo ang mga binhi. Ikalawa, na ang Diyos ang naghasik ng mga binhi. Siguro iniisip nyong inaaksaya lang ng Diyos ang paghasik ng mga binhi sa kung saan-saan. Pero may tiwala sa atin ang Diyos na kaya nating lumago kahit saang lupa pa tayo mapadpad. Kaya nating bumangon sa sitwasyon na meron tayo ngayon dahil sya ay Emmanuel: kasama natin ang Diyos. Hamon sa atin ni Lord ngayong araw na ibalik ang tiwala sa sarili. Saan man tayo mapadpad, bloom where you are planted!