Daughters of Saint Paul

HULYO 24, 2023 – LUNES NG IKA-16 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON – San Sharbel Maklouf, pari

BAGONG UMAGA

Isang Masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Salubungin natin ang panibagong araw, panibagong Linggo nang may puspos ng pasasalamat at kagalakan sa walang hanggang pagkalinga ng Diyos sa atin.  Ihabilin natin sa Kanya ang mabubuting hangarin natin para sa araw na ito, at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin at sa mga gagawin nating pagdedesisyon.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Maririnig natin sa Mabuting Balita ang paghingi ng tanda ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo.  Ayon ito kay San Mateo kabanata Labindalawa, talata tatlumpu’t walo hanggang apatnapu’t dalawa.

EBANGHELYO: Mt 12:38-42

Sinabi ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Sumagot si Hesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung papaanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao. Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagumbuhay sila sa pangangaral ni Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ang mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Tina Madrigallos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Ikaw ba ay nabibilang sa mga taong naniniwala lamang kung may makikitang tanda o patunay?  Sa ating Ebanghelyo ngayon, sinabi kay Hesus ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo, “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Pero hindi sila pinagbigyan ni Hesus, sa halip, binanggit niya ang naganap kay Jonas at sa Reyna ng Sheba. Kung ang mga taong taga Ninive ay naniwala at nagbalik loob sa Diyos dahil sa mga babala ni Jonas, at ang Reyna ay dumating pa mula sa malayong lugar para masaksihan ang karunungan ni Haring Solomon, bakit hindi sila naniniwala sa taong mas dakila pa kay Jonas at Haring Solomon, si Hesus?  Sabi nga ni St. Thomas Aquinas, “Sa isang may pananampalataya, walang paliwanag ang kailangan. Sa isang walang pananampalataya, walang paliwanag na posible (“To one who has faith, no explanation is necessary. To one without faith, no explanation is possible.”)” Mga kapatid, lagi sanang ipagdasal, higit pa sa materyal na bagay na pagkalooban tayo ng malalim na pananampalataya sa Diyos, dahil iyon ang makapagliligtas sa atin at magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. Amen.