2 Cor 4:7-15 – Slm 126 – Mt 20:20-28
Mt 20:20-28
Lumapit kay Jesus ang ina ni Jaime at Juan kasama ang dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.”
Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi n’yo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para iyon sa mga hinirang ng Ama.”
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, sentro ang magkapatid na Jaime at Juan dahil sa hiling ng kanilang ina na gawin silang kanan at kaliwang kamay ni Jesus. Mabigat ang hinihingi ng ina nina Santiago at Juan. Ang maupo sa kanan o kaliwa ng isang hari, lugar ng kapangyarihan. Pero para kay Jesus, hindi posisyon at kapangyarihan ang mahalaga. Mas pinahahalagahan Niya ang paglilingkod. Kaya’t maliwanag ang Kanyang naging tugon, “ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo.” Ganito rin ang buhay ni Jesus, “kahit Siya’y likas at tunay na Diyos, hindi Niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.” Sa halip, kusa Niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos, at naging katulad ng isang alipin. Mga kapatid, kamustahin natin ang mga tungkuling ginagampanan natin ngayon. Natutuwa ba tayo sa ating trabaho dahil sa dangal ng ating posisyon? O dahil gusto talaga nating maglingkod? Makikita ang tunay nating hangarin, sa paraan ng pagtupad ng ating tungkulin. Kung puro papogi at paganda lang tayo, puro publicity at lunod na lunod sa parangal ng tao, pero wala namang ginagawa – hindi tayo tunay na lingkod. Ang tunay na lingkod, masipag na ginagampanan ang trabaho, maparangalan man siya o hindi dahil nananalig siyang ang Diyos ang gagantimpala sa kanyang mabubuting gawa.