Daughters of Saint Paul

HULYO 25, 2020 – SABADO SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON | Kapistahan ni San Santiago, Apostol

EBANGHELYO : Mt 20:20-28

Lumapit kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ang dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi n’yo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ambisyon o misyon? Hindi masama magkaroon ng ambisyon. Sa katunayan, hindi masama ang hiniling ng asawa ni Zebedeo kay Jesus para sa kanyang mga anak dahil natural lang para sa isang ina ang siguruhing nasa maayos na katayuan ang kanyang mga anak. Ambisyon niyang makita ang kanyang dalawang anak na nakaupo sa kanan at kaliwa ni Jesus pagdating ng panahon ng kanyang paghahari. Subalit hindi lubos na nauunawaan ng babae at ng kanyang mga anak, gayundin ng lahat ng mga alagad na ang paghahari ni Jesus ay hindi tulad ng paghahari ni David o ni Solomon. Hindi sya nagkatawang-tao upang panumbalikin ang kadakilaan at kapangyarihan ng Jerusalem. Nagkatawang-tao ang Anak ng Diyos upang ipalaganap ang kaharian ng Langit. Ito ang kanyang misyon at ang misyon nating lahat na naniniwala at sumusunod kay Jesus, maglingkod at mag-alay ng buhay para sa ating kapwa. 

PANALANGIN:

Panginoon hangarin nawa namin sa lahat ng oras ang maglingkod sa halip na mapaglingkuran. Gabayan at panatilihin po ninyong ligtas at nasa mabuting kalusugan ang mga frontliners na patuloy na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa kabila ng banta sa kanilang sariling buhay. Amen.