EBANGHELYO: Jn 6:1-15
Nagpunta si Hesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Kaya pagkatingala ni Hesus, nakita niyang maraming tao ang pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon, kaya sinabi ni Hesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao. Kaya kumuha ng mga tinapay si Hesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang mga natirang piraso upang walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Hesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.” At alam ni Hesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, kailangan ba talaga ni Hesus ng limang tinapay at dalawang isda para mapakain ang humigit kumulang na limang libong tao? Ang sagot: Hindi. Kung ating babalikan ang kasaysayan ng mundo, ginawa ng Diyos ang sanlibutan mula sa kawalan. Siya bilang pinagmulan ng lahat ay hindi nangangailangan ng kung ano mang tulong o di kaya sangkap sa paggawa ng isang kamangha-manghang himala. Pero bakit pa kinuha ni Hesus ang tinapay at isda para paramihin? Kahit pa man kaya ng Diyos gawin ang lahat ng bagay, ikinagagalak niya na tayo’y makibahagi sa kanyang banal at dakilang plano. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na makisalo sa kanyang misyon. Iniimbitahan niya tayo na maging aktibong bahagi sa paglago ng kanyang katawan, ang simbahan. Ang Santo Papa, ang mga Obispo, kaming mga pari, mga madre, mga layko—mga katekista, guro, musikero, inhenyero, kusinero, hardinero—LAHAT. Lahat ay inaanyayahan na maghandog, magbahagi ng kanilang sarili upang maipamalas ng Panginoon ang kanyang dakilang kapangyarihan.