BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes kapatid kay Kristo. Ika-dalawampu’t lima ngayon ng Hulyo, Kapistahan ni Jaime o San Tiago, Apostol. (Siya ang patron ng mga Manggagawa. Kapatid niya si Juan, at mga anak sila ni Zebedeo. Kasama sina Pedro, Andres at Juan – sila ang unang apat na apostol na kasa-kasama ng Panginoon sa mahahalagang tagpo ng Kanyang buhay. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng Kanyang panalangin hilingin nating matularan si Santiago sa paglilingkod na may kababaang loob.) Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang samahan kami sa maikling pagninilay ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu, talata dalawampu hanggang dalawampu’t walo.
EBANGHELYO: Mateo 20:20-28
Nang umakyat si Hesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa. At habang nasa daan ay sinabi n’ya sa kanila, “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanyang kamatayan. Kaya ibibigay nila s’ya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus; ngunit babangon s’ya sa ikatlong araw.” Lumapit noon kay Hesus ang ina nina Jaime at Juan, kasama ang dalawa niyang anak at lumuhod sa harap n’ya para makiusap. Tinanong s’ya ni Hesus, “Ano ang ibig mo?” “Narito ang dalawa kong anak, iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong kaharian.” “Hindi n’yo alam ang inyong hinihingi, maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” “Kaya namin.” “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Hesus at sinabi, “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi ganito sa inyo. Ang may gustong maging dakila, s’ya ang maging lingkod n’yo. Ang may gustong mauna sa inyo, s’ya ang maging alipin n’yo. Gayundin naman dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Baste Gadia ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa ating Mabuting Balita, tinatanong rin tayo ng ating Panginoong Hesukristo: “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko?” Mga kapatid, ang pagsunod sa ating Panginoong Hesukristo ay hindi parang Insurance Company, na kapag sumunod tayo sa Kanya ay ligtas na tayo sa mga paghihirap. Kung Siya ngang ating Panginoon ay naghirap, tayo ring mga tagasunod niya ay makararanas din ng paghihirap sa iba’t ibang paraan. Ang tumugon sa panawagang mahalin ang Diyos nang higit sa lahat, at mahalin ang kapwa gaya ng sarili ay hindi madali. Tunay na nangangailangan ito ng pagsasakripisyo, at pagkamatay sa sariling kagustuhan. Nawa ang ating pagsamba sa Diyos, hindi lang manatiling lip service. Sa halip, mag udyok ito sa atin sa pagsisilbi sa kapwa. Sa madaling salita, ang tunay na Kristyano ay hindi lamang sa salita, kundi nakikita ito sa kanyang kilos at gawa. Naipapamalas niya ang kanyang pagiging alagad ng ating Panginoon sa pagpapakita ng Awa, Habag at Pagmamahal sa kapwa. Amen.