Ebanghelyo: Mt 20:20-28
Lumapit kay Jesus ang ina ni Jaime at Juan kasama ang dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi n’yo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Tess Espina ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon.
Hindi natin maarok ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak. Lahat ng kanyang lakas, lahat ng kanyang iniisip at lahat ng kanyang mga pangarap ay para sa ikabubuti ng kanyang mga anak. Tulad ni Salome, ang ina ng mga anak ni Zebedeo, na lumapit kay Hesus at hiniling sa Kanya kung maaaring ang kanyang dalawang anak na lalaki ay maupo sa tabi niya sa kanyang kaharian. Sinabi ni Jesus na kahit na maiinom nila ang kopa, nasa Ama ang pagpapasya kung sino ang uupo sa tabi niya. Nang malaman ito ng mga alagad, hindi sila natuwa sa saloobin ng mga anak ni Zebedeo. Ipinaliwanag ni Jesus na ang sinumang nagnanais na maging dakila ay magiging lingkod ng lahat. Alam natin na sa pagtatapos ng kanyang buhay, nag-alay si Santiago ng kanyang buhay para sa kaharian ng Diyos. Ipinangaral niya ang Ebanghelyo pagkatapos ng pagkabuhay muli ng Panginoon. Dumanas siya ng pag-uusig noong panahon ni Haring Herodes at isa siya sa mga unang apostol na naging martir. Lagi nawa nating maalala na ang pinakadakilang misyon ng ating buhay, tulad ni Santiago, ay ang maglingkod sa kapwa.