Daughters of Saint Paul

HULYO 26, 2020 – IKA-17 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A)

EBANGHELYO: Mt 13:44-46

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang Kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sa paghahangad ng kaligayahan sa buhay — ang kalimitang pagkakamali ng tao ay ang paghahanap nito sa maling lugar at paraan. Halimbawa, bakit may mga krimen na ang dahilan ay paghahangad ng maraming pera katulad ng drugs, pagnanakaw, kawalan ng hustisya sa mga manggagawa… o panloloko sa kapwa. Sa kahit anong estado ng buhay natin, ano man ang meron tayo – materyal, posisyon, kasikatan, kaalaman at kahit na relihiyon – ang lahat ng ito ay walang halaga kung wala ang Diyos sa buhay natin. Sa Mabuting Balita natin ngayon, pinapaalalahanan tayo na ang tunay na kayamanan at perlas ng buhay natin ay tanging sa Diyos lang matatagpuan – buhay na may malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos – ang pagpapalalim ng pagkilala sa kanya sa pamamagitan ng pagbabasa, pag-aaral, pagninilay at pagdarasal ng Mabuting Balita at pakikipag-isa sa kanya sa Banal na Eukaristiya. Ito din ang magbubukas sa mga puso natin para matagpuan ang kayamanan ng kabutihan ng ating kapwa… ang pagkilala ng mga bagay na mas mahalaga ayon sa kalooban ng Diyos. Alam na alam ito ng mga taong natagpuan na ang kaligayang dulot ng Diyos sa kanilang buhay. Sila ang patuloy na umaasa sa grasyang nagbibigay lakas sa kanilang iwan ang lahat… lalo na ang mga kasalanang nagiging hadlang sa kabanalang dulot ng kaligayang ito ng Diyos. At sa mga taong nagsisimula pa lang sa kanilang paghahanap? — hilingin natin sa mapagmahal nating Diyos na matagpuan na natin ang kayamanan ng Kaharian ng Langit – sabi nga ni San Agustin, “our heart is restless until it rests in you”.