Daughters of Saint Paul

HULYO 26, 2021 – LUNES SA IKA -17 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 13:31-35

Binigyan ni Hesus ang mga tao ng isa pang talinghaga: “Naikukumpara ang Kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki ito sa mga gulay at parang isang puno—dumarating ang mga ibon ng Langit at dumadapo sa mga sanga nito.” At sinabi ni Hesus ang iba pang talinghaga: “Naikukumpara ang Kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” Itinuro ni Hesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: ‘Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.’

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa isang binhi ng mustasa inihambing ni Hesus ang Kaharian ng Diyos. Inihasik ang binhi at nang tumubo’y naging punong kahoy, sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon sa langit. Gayundin naman, sa maliliit na hakbang nagsisimula ang malalaking bagay. Isa sa mga magagandang nangyari sa panahon ng pandemya, ang pagsulputan ng mga community pantries sa ibat-ibang sulok ng Pilipinas. Nagsimula sa maliit na adhikaing makapagbahagi ng kahit konting gulay sa mga kapitbahay. Maliit na gawain, binasbasan ng Panginoon, naging makabuluhan. Gaano man kaliit ang mga ibinabahagi sa community pantries, kapag pinagsama-sama, maraming kababayan natin ang naitatawid sa pang-araw-araw. Sa ngayon, marami ang bukal sa kaloobang nagbabahagi ng kanilang mga blessings hindi lamang sa mga community pantries kundi sa ibat-iba pang paraan. Anumang maliliit na kabutihang naiaambag natin sa komunidad, na may kalakip na pagmamahal, nakakatulong sa pagpalaganap ng Kaharian ng Diyos. Minsan, sinabi sa akin ng isang ale, “Sister, wala naman po akong maibabahagi.” “Meron po, Ate,” tugon ko naman, “ang iyong ngiti, lakas, mabuting halimbawa, malasakit at panalangin.” Ayon sa PCP II, No one is so poor that he cannot give. No one is so rich that he cannot receive.” Bawat isa sa atin ay may kakayahang umambag sa pagpalaganap ng Kaharian ng Diyos!

PANALANGIN

Panginoong Hesus, salamat po sa napakaraming kaloob n’yo sa amin araw-araw. Tulungan n’yo po kaming maging bukas-palad, na ibahagi ang mga blessings na ito lalo na ngayong marami ang naapektuhan ng pandemya. Nawa’y matuto po kaming umambag sa pagpalaganap ng iyong Kaharian ayon sa aming kakayahan nang may malasakit at pagmamahal. Basbasan n’yo po ang aming maliliit na hakbang. Amen.