Ex 19:1-2, 9-11, 16-20b – Dn 3 – Mt 13:10-17
Mt 13:10-17
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinghaga ka nagsasalita sa kanila?”
Sumagot si Jesus: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng Kaharian ng Langit ngunit hindi sa kanila. Sapagkat bibigyan pa ang meron na at sasagana pa siya. Ngunit kung wala siya, aagawin kahit na ang nasa kanya. Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinhaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakauunawa.
“Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: ‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakauunawa; tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo nakakakita. Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tenga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at baka makarinig ang kanilang tenga at makaunawa ang kanilang puso upang bumalik sila at pagalingin ko sila.’
“Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tenga na nakakarinig.
“Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita n’yo ngayon pero hinidi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, napapanahon ang hamon ng Mabuting Balitang ating narinig. Sa gitna ng mundong pinangingibabawan ng ingay at sari-saring impormasyon, tinatawagan tayong manahimik upang makarinig at maunawaan ang mensaheng nais ipabatid sa atin ng Diyos. Kung tumitingin lamang tayo nang may panunuri, kung nakikinig lamang tayo sa mga hindi nasasambit ng bibig – matatagpuan natin ang mga kasagutan sa ating mga tanong. Malalaman natin ang kahulugan ng mga bagay na nais nating maunawaan. Kung ang ating mga mata, bukas upang makita ng puso ang lahat, at naririnig ng ating mga tenga ang sinasabi ng isip, higit na marami tayong mauunawaan. Sinasabing tapat ang isang tao kapag ang kanyang mga mata, may puso, at ang kanyang puso may mga mata. Kung may damdamin ang kanyang mga tenga, at ang kanyang damdamin may mga tenga; kung may habag ang kanyang mga kamay, at ang kanyang awa, may mga kamay; kapag ang Diyos nasa ating buhay, at ang ating Diyos, nananahan sa atin, tunay tayong nabubuhay. Mga kapatid, tanging ang Diyos lamang ang tunay na makapagpapaunawa sa atin sa mga bagay na hirap tayong unawain. Maglaan tayo ng panahong manahimik at makipag-usap sa Kanya sa panalangin. Panginoon, mangusap po Kayo sa kaibuturan ng aking puso, nang maunawaan ko ang mga bagay na nais Mong ipabatid sa akin. Amen.