Daughters of Saint Paul

HULYO 27, 2020 – LUNES SA IKA-17 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 13:31-35

Binigyan ni Jesus ang mga tao ng isa pang talinghaga: “Naikukumpara ang Kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki ito sa mga gulay at parang isang puno—dumarating ang mga ibon ng Langit at dumadapo sa mga sanga nito.” At sinabi ni Jesus ang iba pang talinghaga: “Naikukumpara ang Kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng talinghaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinghaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.”

PAGNINILAY:

Mga kapatid, ginagamit ni Jesus ang mga talinhaga upang ilarawan ang Kanyang mga aral. Ang mga tauhan at mga bagay na napapaloob sa mga ito, hango sa tunay na buhay, na sumasagisag sa mga katotohanang inihahayag ng Diyos. Sa mga Ebanghelyo, nakatuon ang mga talinhaga sa katuparan ng paghahari ng Diyos sa katauhan ni Jesus.  Masasabing ang krus, isang talinhaga; kung titingnan lamang itong larawan ng paghihirap at kabiguan. Kaya’t madalas nating marinig na may pinapasang krus ang sinumang nakararanas ng mabigat na pagsubok sa buhay. Pero, natatago sa krus ang tagumpay ni Jesus laban sa kasalanan at kamatayan.  Ang krus ang tanda ng pagmamahal ng Diyos sa atin na nagsugo sa Kanyang Anak upang magpakasakit para sa katubusan ng sangkatauhan. Sa ating pang-araw-araw na buhay, tinatawagan tayong gawing mabunga ang tinamo nating kaligtasan mula sa Panginoon.  Paano? Sa pamamagitan ng araw-araw nating pagsisikap na sundin ang Kanyang utos: “Mahalin Siya nang higit sa lahat, at mahalin ang kapwa gaya ng sarili.” Ito ang buod ng sampung utos ng Diyos.  Ang maliliit na pagsisikap nating tupdin ang utos na ito: ang pagdarasal at pagsisimba, ang paggalang sa kapwa at sa kalikasan, ang pagpapasensiya at pagpapatawad sa kahinaan ng ating kapwa, ang pagtulong sa mga maralita at nangangailangan, gaano man kaliit ang ating maibibigay – ang ilan lamang paraan ng pagsunod sa pangunahin at pinakamahalagang utos ng Diyos. Kapag nakasanayan na nating gawin ang mga ito, magiging bahagi ito ng ating pagkatao. At magiging kasangkapan tayo ng Panginoon sa pagpalaganap ng Kanyang Kaharian.