Daughters of Saint Paul

HULYO 27, 2021 – MARTES SA IKA -17 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 13:31-35

Pinaalis ni Hesus ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Hesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang Kaharian ang mga iskandalo at mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapatid, alam mo ba kung ano o sino ang tunay na kalaban sa’yong pakikibaka sa buhay?  Ang laban o pagtatalo ay nagmumula sa tatlong pangunahing paraan o dahilan:  Ang una ay ang “physical conflict” o pisikal na labanan.  Ito ang hidwaan sa gitna ng tao at kalikasan.  Tinatawag din itong,  “man against nature.”  Ang pangalawa naman ay ang pagtatalo ng isang tao laban sa kanyang kapwa tao, na tinatawag natin na “interpersonal conflict” o “man against man.” Ang pagtatalu-talo na umuusbong sa ating pakikipag-ugnayan sa iba. At ang pangatlo ay ang “inner conflict” o “man against himself” o ang pagtatalo ng tao laban sa kanyang sarili.  Ang kaguluhan sa kalooban ay nasa isipan ng tao, sa kanyang mga hangarin at ganun din sa kanyang mga kahinaan. Ayon sa Mabuting Balita ngayon, ang naghahasik ng pangsirang damo ay ang mga anak ng kaaway o ang diablo.  Upang malaman natin kung paano haharapin ang mga kaaway, kailangan alam natin kung paanong kumikilos ang kalaban.  Kapag nakita na natin ang pinanggagalingan ng kasamaan, malalaman din natin kung paano ito iiwasan at susugpuin para sa wakas ng panahon ay mananaig ang mabuting tanim na maari nang anihin.