Daughters of Saint Paul

Hulyo 27, 2024, Sabado, San Pantaleon

Ebanghelyo: Mt 13:24–30


Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis. Nang tumubo ang mga tanim at nag-simulang mamunga ng butil,  naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabu-buting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng ka-away.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”

Pagninilay:

Kung totoong merong Diyos, bakit niya pinababayaang magdusa ang mga inosente, samantalang yung mga masasama ang nagpapasasa sa ninakaw na yaman? Sinasagot ang katanungang ito ng Mabuting Balita ngayon. “Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang masasamang damo. Pero imbes na ipabunot ng may-ari ang mga damo ay sinabi niya: “Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mag-aani: Bunutin ninyo muna ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.” Hindi natin maiintindihan, magagapi o matatakasan ang misteryo ng kasamaan. Kahit na sa sarili nating kalooban ay naglalaban ang masama at mabuti. Inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita ngayon na magpasensiya at magtiwala sa Panginoon ng Anihan. Alam niya kung ano ang mabuti para sa atin, at binibigyan niya tayo ng napakaraming pagkakataon para manumbalik sa kanya. Hindi siya nawawalan ng pasensiya kaninuman. Mabait ang Diyos at nagapi na ni Kristo ang kasamaan sa Krus, pero kailangang piliin natin siya araw-araw. May araw ang paghuhukom kaya’t huwag nating pangunahan ang Diyos. Magtiwala tayo na titipunin niya tayo sa kanyang Kaharian pagdating ng araw.