MATEO 13:24–30
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis. Nang tumubo ang mga tanim at nag-simulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabu-buting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng ka-away.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”
PAGNINILAY:
May kasabihan na kapag isinara ng Diyos ang isang pintuan, meron naman siyang bintanang binubuksan. Sa gayon, hindi naman talaga dapat lubusang mabigo o mawala ng pag-asa ang isang tao kung hindi matupad ang kanyang gusto, dahil hindi naman niya alam kung ano ang mabuting plano ng Diyos para dito. Yung iniisip na disgrasya, kaya hindi natupad, napakalaking swerte pala! Ganito rin sa talinhaga ngayon. Kahit masama ang ginawa ng kaaway naging daan ito para maipahayag ang ilang katotohanan: Una, hindi kailanman magtatagumpay ang masama; pwedeng panandalian, pero, itoý para sa kabutihan din ng mabuti kung paanong hindi muna pinabunot ang mga damo para huwag madamay ang mga trigo; Ikalawa, lagi na, ang masamang gawaý nalalantad. Gayunman, dahil din sa malaking habag at pagmamahal ng Diyos, patuloy pa rin siyang naghihintay para sa pagbabalik-loob ng mga naliligaw niyang anak; Ikatlo, kailangan ng maingat at matiyagang pag-aalaga sa mga punla para lubos na mapakinabangan sa kanilang paglaki. Gaya rin sa mga tao, mahalagang huwag tayong humatol sa kanila at sa halip, hanapin ang pinakamabuti at makisabay sa kanila para sa sama-samang paglalakbay patungo sa landas ng katwiran at katotohanan.