Daughters of Saint Paul

HULYO 28, 2020 – MARTES SA IKA-17 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 13:36-43

Pinaalis ni Jesus ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang Kaharian ang mga iskandalo at mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Kung Diyos ang lumikha sa lahat ng tao, bakit may masamang tao? Sa ating Mabuting Balita ngayon, sinasabi na gawa ito ng kaaway ng Diyos – ang demonyo. Sya ang naghasik ng kasamaan sa puso ng tao. Kaya ang pagtubo ng damo kasabay ng trigo ay di lamang nangyayari sa tanim, nangyayari rin ito sa tao. Pakiramdaman ninyo ang inyong sarili.  Likas tayong mabuti dahil galing sa Diyos ang ating hininga pero kapag na-trigger ang ating mga issue sa buhay, kapag tayo ay galit na galit, lumalabas ang ating masamang ugali. Kaya napakahalaga ang pagsusuri ng sariling budhi upang matukoy natin kung alin ang higit nating pinapangibabaw. Sabi ng mga kakilala ko, mabait daw ako at hindi marunong magalit. Akala lang nila yon!  Marunong akong magalit, malakas lang siguro ang aking pagpipigil sa sarili at self-awareness kaya higit na napangingibabaw ko ang kabutihan kesa kasamaan.  Mga kapatid, sa ating paulit-ulit na pagpili sa mabuti o masama nakasalalay kung saan tutungo ang ating kaluluwa.