Daughters of Saint Paul

HULYO 28, 2021 – MIYERKULES SA IKA -17 LINGGO NG TAON

HULYO 28, 2021 – MIYERKULES SA IKA -17 LINGGO NG TAON                            

BAGONG UMAGA             

Mapayapang araw ng Miyerkules kapatid kay Kristo!  Pasalamatan natin ang Diyos sa mga kayamanan natin na Kanyang ipinagkaloob.  Hindi lamang material na kayamanan ang tinutukoy ko dito – kundi higit, ang espiritwal na yaman/ na nag-uudyok sa atin na maging buhay na saksi/ ng kaharian ng Diyos dito sa lupa, upang makamit ang kaharian ng Langit.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang dalawang magkaugnay na talinhaga na naglalarawan ng paghahari ng Diyos, sa Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata apatnapu’t apat hanggang apatnapu’t anim.

EBANGHELYO: Mt 13:44-46

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Oliver Mary Vergel O. Par, ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Nakalulula ang mga pangako sa atin ng mundo: pera, katanyagan, magagarang kagamitan, at iba-iba pang mga bagay na makabibigay sa atin ng ligaya—pero panandaliang ligaya.// Pati sa pagmamahal, madalas gusto na lang din natin ng panandalian: Gusto nating lumigaya, pero ayaw natin ng “commitment”; gusto natin ng ligaya, pero ayaw natin ng responsibilidad; gusto natin ng ligaya, pero ayaw nating magmahal ng lubusan. Pati tayo tuloy nagiging parang material na bagay na lamang ng kaligayahan.// Pero darating tayo sa punto ng ating buhay kung saan mapapagod din tayo, dahil alam ng ating puso na isang tunay at walang hanggang kaligayahan ang ating hinahanap. Sa huli, malalaman natin na ang mga simpleng bagay tulad ng pag-ibig, kapayapaan, at katarungan lang naman talaga ang hanap natin. Isang walang hanggang kaligayahan na, ang matutunan nating mahalin at tanggapin ang ating pagkatao—ang ating kahinaan at pagkakamali. Isang walang hanggang kaligayahan na, ang malaman natin na may mga taong patuloy na nagmamahal sa atin—tanggap tayo ng buong-buo. Isang walang hanggang kaligayahan na, ang malaman na may pag-asa pa tayong magbago at ang ating mundo. Isang walang hanggang kaligayahan na, ang malaman na may Diyos na patuloy na kumakalinga at may awa sa atin. Ito ang tunay na kaligayahang hindi panandalian.// Pero, hindi gaya ng mga panandaliang kaligayahan, hindi ito kusa na lamang darating nang wala ang ating kooperasyon sa plano ng Diyos. Kailangan din natin itong hanapin at hilingin sa Diyos. Kailangan lang nating yakapin ang responsibilidad na kalakip ng pang-walang hangganang kaligayahang ito. Kailangan lamang nating magmahal ng magmahal kahit na ginigipit tayo ng ating mga kasalanan at kahinaan.  

PANALANGIN

Panginoon, lagi ka sa puso namin, at ikaw ang aming tanging yaman. Ipamalas mo sa amin ang iyong awa at pagkalinga nang matanto namin, na wala na kaming hahanapin pa kundi ang iyong pagmamahal. Amen.