BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes kapatid kay Kristo! Dakilain natin ang Diyos sa Kanyang walang kundisyong Pagmamahal sa atin. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang talinghaga ng Maghahasik sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata Labingwalo hanggang Dalawampu’t tatlo.
EBANGHELYO: MATEO 13:18-23
“Kaya pakinggan ninyo ang talinhaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig sa salita ukol sa Kaharian ng Diyos ngunit hindi nakakaunawa ay tulad ng mga binhing nahasik sa tabing daan, dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ang binhing nahulog sa batuhan ay yaong nakikinig at masayang tumatanggap ng salita ngunit sa kawalan ng ugat ay hindi nagtagal at pagdating ng sakuna o pag-uusig ay nanghihina ang loob. Ang nahasik sa mga dawagan ay yaong nakikinig ng salita ngunit ito ay inilihis ng kabalisahan sa daigdig at ng hipo ng kayamanan kaya’t hindi nagbubunga. Ang nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawaan ito; dahil d’yan ay may nagbubunga ng tig-iisang daan, ng tig-aanimnapu, ng tig-tatatlumpu.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Nitong nakaraang buwan, umani ng daang-libong tonelada ng kalabasa ang mga magsasaka sa Nueva Ecija na halos itapon nila dahil sa binabarat ng mga middlemen. Mabuti na lang may mababait tayong mga kababayan sa Rural Rising Philippines na tumutulong sa kanila upang madala ito dito sa Maynila at karatig-pook at mabili ito sa tamang presyo.) Ang Mabuting Balita sa araw na ito ay tinawag ni Hesus na Talinghaga ng Manghahasik o Parable of the Sower. Ipinaliwanag niya ang kahulugan ng iba’t ibang klase ng lupa na kumakatawan sa paraan ng pagtanggap ng tao sa binhi: nasa daan, mabato, may matitinik na halaman, at matabang lupa. Madalas, tinatanong natin kung ano’ng klase ng lupa tayo. Pero sinasabi na ang binhi “äy namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.” Kahit na anong klase ng lupa, patuloy ang manghahasik na naghahasik, at sigurado ang ani dahil namumunga ito nang sagana. Hindi talaga tungkol sa klase ng lupa ang talinghaga kundi tungkol sa Manghahasik. May nagsasabi nga na hindi raw mainam na magsasaka ang Diyos kasi nagsasayang siya ng binhi. Patuloy at walang-patumangga siyang naghahasik ng kanyang biyaya, umaasa na may tutubo, kahit anong klase pa ng lupa tayo. // Pero ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa. Walang paborito ang Diyos: lahat tayo ay mahal niya at inuulan niya tayo ng lahat ng biyaya. Hindi niya tayo mahal dahil gumawa tayo ng mabuti. Hindi rin mababawasan ang kanyang pagmamahal gaano man kaitim ang ating kasalanan. At sinisiguro niya na mamumunga tayo nang sagana. Gaya ng mga magsasaka ng Nueva Ecija, nagsikap silang maging masagana ang ani at hindi sila nawawalan ng pag-asa na ang kanilang pagsisikap ay magtatapos sa wala.
PANALANGIN
Mapagmahal naming Ama, manalig nawa kami sa iyong mapagpalang biyaya na hindi ka napapagod at walang sawang nagpapatawad sa amin. Amen.