Daughters of Saint Paul

HULYO 29, 2023 – SABADO IKA-16 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON – Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro            

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo!  Ika-dalawampu’t siyam ngayon ng Hulyo, Kapistahan ng magkakapatid na sina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin hilingin nating lumago tayo sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang pagpahayag ng pananampalataya ni Marta na kayang buhayin ni Hesus ang yumao niyang kapatid na si Lazaro/ sa Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata Labing-isa, talata Labing-siyam hanggang dalawampu’t pito.

EBANGHELYO: JUAN 11:19-27

Pag dating ni Hesus , apat na araw na palang nakalibing si Lazaro.Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria upang makiramay sa kanila dahil sa pagyao ng kanilang kapatid. Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Hesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hilingin mo sa Diyos, ibibigay ito sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sumagot sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa muling pagkabuhay sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Mabubuhay ang naniniwala sa akin kahit na siya ay mamatay. Hinding-hindi mamamatay ang bawat nabubuhay sa paniniwala sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Naniniwala nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na dumarating sa mundo.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Mennen Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, ang kwento nina Marta, Maria at Lazaro – ang magkakapatid na kaibigan ng Panginoong Hesus, ay isa sa mga “familiar stories” sa biblia.  Isang kwento na nagbibigay sa atin ng pag-asa, sa ating muling pagkabuhay sa langit.  Sobrang kalungkutan at hapis ang nadama ng magkapatid na Maria at Marta sa pagkamatay ni Lazaro. Hindi agad sila naniwala sa ating Panginoong Hesus ng kanyang sinabi, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid.” Sa pagpapatuloy ng kwento, binuhay nga ng Panginoon si Lazaro. Ang kamatayan ay isang realidad sa ating buhay na hindi natin matatakasan. Kailangan natin ang pananampalataya sa Panginoon upang lubos nating maintindihan at maisabuhay ang turo ng simbahan tungkol dito.  Paalala ito, na tayo’y mga “pilgrims” o pawang manlalakbay lamang dito sa lupa, at ang tunay nating tahanan ay ang langit, ang buhay na walang hanggan kasama ang ating Panginoon. Kaya sinabi niya – “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay”.  Kaya ang salitang sumakabilang buhay ay mas makahulugan para sa atin, kesa sa salitang namatay. Hangad natin na makamit ang buhay na walang hanggan, sa tulong ng grasya ng Panginoon kapag sumakabilang buhay na tayo.  Kaya habang nabubuhay pa tayo sa mundo, sikapin nating mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos, sa pamamagitan ng pagtupad ng Kanyang utos na magmahal, sa Diyos nang higit sa lahat, at sa kapwa gaya ng sarili.  Ito ang magiging ticket natin pagpasok sa Kaharian ng Langit.   

PANALANGIN

Panginoong Diyos, maraming salamat po sa araw-araw na mga biyaya! Salamat po sa aming buhay at sa iyong pangako na buhay na walang hanggan.  Hinihiling po namin na maging malalim at matatag ang aming pananampalataya. Tulungan mo po kaming maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Sa iyong mga biyaya, nawa’y maghari ang pagmamahal, pagpapatawad at pagpapakumbaba sa aming buhay. Amen.