EBANGHELYO: Jn 20:24-29
Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Hesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko, ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Dina Urciana ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagdududa ni Tomas, isa sa mga alagad ni Hesus. Noong sinabihan siya ng ibang pang mga alagad na nakita nila ang Panginoon, hindi siya naniwala. Para kay Tomas, kailangan niya munang makita ang “proof” upang siya’y maniwala na si Hesus ay totoo ngang nabuhay na mag uli. To see is to believe, ika nga. // Hindi nagtagal, nagpakita ulit si Hesus sa nagkakatipong mga alagad. At sa pagkakataong iyon nanduduon na si Tomas, kaya tinawag siya ni Hesus, at ipinakita niya ang kanyang mga kamay at tagiliran, at sinabi sa kanya na “huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Dahil sa nakita ni Tomas, nasambit niya “Panginoon ko at Diyos ko.”// Mga kapatid, si Tomas ay masasabi nating isang “symbol for doubt” kaya nga kilala din siya sa tawag na “doubting Tomas”. Pero, kung mayroon man tayong dapat matututunan kay Tomas, ito yung realisasyon na ang ating pagdududa ay maaring magdala sa atin sa malalim na pagkilala at pananampalataya sa Panginoon. Kilalanin natin si Hesus na muling nabuhay bilang ating daan, katotohanan at buhay.// Maraming beses na nating napatunayan sa ating buhay na kung may pananampalataya tayo sa Diyos, hindi tayo madaling sumuko at mawalan ng pag-asa sa gitna ng problema, dahil pinalalakas tayo ng pananalig na kasa-kasama natin ang Diyos at hindi Niya tayo pababayaan. Hindi man natin Siya nakikita, nadarama naman natin ang Kanyang buhay na pananatili sa ating puso.