Daughters of Saint Paul

Hulyo 3, 2024 – Miyerkules – Santo Tomas, apostol

Ebanghelyo: Jn 20:24-29

Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” sumagot naman siya: “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Isa sa napakahalagang regalo ng Panginoong Hesus sa kanyang muling pagkabuhay ang kapayapaan. Sinabi Niya sa mga natatakot na mga alagad, lalo na kay Tomas, “Sumainyo ang kapayapaan.” Bakit mahalaga ang kapayapaan para sa mga alagad ni Hesus? Sapagkat batid Niya na takot pa rin sila dahil sa pagtalikod nila sa kanya. Natakot sila sa nangyari sa kanya at pagkamatay niya sa krus, at sa kung ano ang maaaring mangyari sa kanila dahil wala na sa kanilang piling ang Panginoon. Puso ang nakadarama ng takot, at sa puso natin nakikipag-usap ang Diyos, kaya’t mahalaga ang kapayapaan nito. Tulad ni Santo Tomas, mananatiling mapayapa ang ating puso kung patuloy tayong sasampalataya at mananalig sa ating Panginoong Hesus.

Panalangin: 

Panginoong Hesus, nahihirapan kaming sumampalataya sa Iyo lalo na kung dumaraan kami sa matinding pagsubok sa buhay. Biyayaan Mo nawa kaming lagi ng matibay at malalim na pananampalataya upang hindi kami malayo sa Iyo at magkaroon ng tunay na kapayapaan. Amen.