Daughters of Saint Paul

Hulyo 3, 2025 –Huwebes | Kapistahan ni Apostol Santo Tomas

Ebanghelyo: JUAN 20,24-29

Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko, ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

Pagninilay:

Minsan mo na rin bang tinanong kung totoong mabuti ang Diyos? Ating ginugunita ngayon ang kapistahan ni Santo Tomas Apostol. Kilala rin siya bilang “Tomas na Nagduda,” o doubting Thomas dahil sa kanyang pagpapahayag ng kanyang pagdududa na nabuhay muli si Jesus. Sa totoo lang, marami rin sa atin ang katulad ni “Tomas na nagduda” sa ating mga puso.

Hindi ba tayo nagdududa sa kabutihan ng Diyos kung bigla na lamang mawala sa ating piling ang taong pinakamamahal? Hindi ba tayo nagdududa sa kabutihan ng Diyos kung bigla na lamang tayong ma-diagnose ng nakamamatay na sakit, kahit na buong buhay naman ay naging mabuti tayo sa kapwa at palagi tayong nagdarasal at naglilingkod sa simbahan? Hindi ba tayo nagdududa sa kabutihan ng Diyos kung hindi pa rin N’ya tinutugunan ang matagal na nating ipinapanalangin? Mga kapanalig, hindi kailangang maging perpekto ang ating pananampalataya. Tanggap ni Hesus ang ating mga kahinaan. Tapat ang Kanyang pagmamahal. Kailangan lang natin na magtiwala sa pag-ibig at awa ng Diyos. Sapagkat ang pagdududa at pag-aalinlangan ay hindi hadlang, kundi maaaring hakbang papalapit kay Hesus. Kagaya ni Tomas, kung magpapatuloy tayo sa paghahanap, pagdarasal, at pagbubukas ng ating mga puso, asahan natin, darating si Hesus. Marunong din gumawa ng surpresa ang Diyos. At sa ganitong tagpo, nawa’y mamutawi sa ating mga bibig ang isang taimtim na panalangin: “Panginoon ko at Diyos ko!” Amen.