Daughters of Saint Paul

Hulyo 30, 2016 SABADO Ika-17 na Linggo sa Karaniwang Panahon San Pedro Crisologo, obispo at pantas ng Simbahan

Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: "Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan." Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: "Hindi mo siya puwedeng maging asawa." Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: "Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha." Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Jesus.

PAGNINILAY

Mga kapatid, natunghayan natin sa Mabuting Balita ang madilim na katapusan ng buhay ni San Juan Bautista dahil sa kanyang matatag na paninindigan sa katotohanan. Tinuligsa niya ang maling relasyon nina Herodes Antipas at Herodias dahil nagkakasala sila ng pakikiapid. Nagalit si Herodias sa ginawang ito ni Juan. Si Herodes din, may kimkim na galit hindi lang dahil sa panghimasok ni Juan sa kanyang personal na buhay, kundi dahil naiinggit siya sa impluwensiya ni Juan sa mga tao. Ang galit na ito nagkaroon nang pagkakataong maipahayag ng magbitiw ng pangako si Herodes na ibibigay anuman ang hilingin ng anak na babae ni Herodias. Dahil na rin sa udyok ng ina na hingin ang ulo ni Juan Bautista, ipinapatay ni Herodes si Juan. Mga kapatid, dalawang mahahalagang aral ang nais ituro sa atin ng ebanghelyo. Una, huwag tayong mangako basta-basta nang hindi tayo malagay sa alanganin. Halimbawa ang pagtanggap ng tulong pinansyal mula sa isang tiwaling pulitiko, na hindi natin magawang tuligsain kapag nang-abuso sa tungkulin, dahil sa ating utang na loob. Ikalawa, ang paninindigan sa katotohanan, na kadalasan buhay natin ang nakataya. Kapatid, totoong hindi madali ang magpaka-Kristiyano sa panahon natin ngayon, pero kung hahayaan nating pangunahan tayo ng Banal na Espiritu sa lahat ng ating gawain at pagdedesisyon, kakayanin nating maging tapat sa ating sinumpaan sa binyag, sa tulong ng Panginoon.