EBANGHELYO : Mt 13:47-53
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing din ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” “Nauunawaan n’yo ba ang lahat ng ito?” “Opo,” Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.” Nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Dalawang mensahe ang ipinahahayag ng Mabuting Balita ngayon. Una ay ang paghuhukom. Sa dagat ng buhay, bagama’t magkasamang naglalakbay ang mabubuti at masasama, magkaiba pa rin ang kanilang destinasyon. Ang mabubuti ay makakapiling ng Diyos sa Langit at ang masasama ay mauuwi sa walang hanggang apoy ng pagdurusa. Nasa sa ating pagpapasya kung aling destinasyon ang kahihinatnan natin. Ang ikalawang mensahe ng Mabuting Balita ay tungkol sa Dakilang Awa ng Diyos sa atin. Araw-araw ay binibigyan niya tayo ng pagkakataong magbago at maging mabubuting tao. Mahaba ang pasensya ng Diyos at nauunawaan niya ang ating kahinaan. Pero, hindi natin ito dapat abusuhin dahil darating at darating ang araw ng paghuhukom kaya hindi natin dapat sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos.
PANALANGIN:
Panginoon, salamat po sa inyong walang kapantay na Awa at pagmamahal. Salamat po sa biyaya ng buhay at kalusugan. Patawarin po ninyo kami sa mga sinayang naming pagkakataon at sa aming pagpapabaya. Ngayong nahaharap kami sa tinatawag na “new normal” kung saan hindi na kami malayang nakakapamuhay nang gaya nang nakasanayan namin noon mas lalo pa nawa naming pahalagahan ang aming relasyon sa inyo, sa aming pamilya at sa aming kapwa. Amen.