BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-labimpitong linggo sa Karaniwang Panahon ng ating liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa mga biyaya at pagpapalang patuloy nating tinatanggap mula sa Kanyang kagandahang loob. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang patuloy na pagpapaliwanag ng Panginoong Hesus tungkol sa Kaharian ng Langit sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata Apatnapu’t Apat hanggang Apatnapu’t Anim.
EBANGHELYO: MATEO 13:44-52
Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang Kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas. Naihahambing din naman ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa Dagat at nakahuli ng kong ano-ano. Nang puno na ang lambat hinila ito papunta sa pampang at saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kwenta, ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo, lalabas ang mga Anghel para ihiwalay ang masasama sa Mabubuti at itatapon sila sa nag liliyab na pugon kong saan may iyakan at pangangalit ng mga ngipin. At itinanong ni Hesus “Nauunawaan ba Ninyo ang lahat ng ito? Oo..Kaya sinabi niya sa kanila “ Kaya ba bawat turo ng batas na tinuruan tungkol sa kaharian ay katulad ng ama ng tahanan na may tabihan at lagging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.
PAGNINILAY
Isinulat ni Rev. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ano ang yaman mo? May mga kayamanan na higit sa iba, yung walang katumbas ang halaga. Ito ang mga kayamanang higit sa ano pa mang salapi o ginto, mga kayamanang gaya ng edukasyon, kagandahang asal at mabuting kalooban. Ito ang mga kayamanang mahirap matagpuan, at madalas taon ang binibilang upang unti-unting mahubog sa puso at isipan. Narinig natin sa Ebanghelyo ang yaman at perlas na di mamagkano lamang. The Pearl of Great Price – si Hesus mismo. Sabi nga ng isang awit. Ikaw ang aking Tanging Yaman na di lubusang masumpungan. Siya ang ating natatanging yaman na higit sa kahit anong salapi o bagay o ginto ang halaga. Pero hindi madali na matagpuan si Hesus, ang ating Tanging Yaman. Kinakailangan ang pagsisikap, sakripisyo, pagtalikod sa iba pa nating mga pinanghahawakan at kinakapitang yaman. Mga kapatid, handa ba tayong bitawan ang iba nating mga ginagawang kayamanan upang makapitan ang tunay na Kayamanan? Handa ba tayong talikuran ang ating mga nakasanayan at nakagawian upang makatagpo at masumpungan si Hesus mismo, ang Perlas natin at Tanging Yaman. Handa ba tayong mahalin ang ating kapwa upang mas makita natin si Hesus? Kung Oo ang ating kasagutan, nakatitiyak akong makikita at mahahanap natin si Hesus.