Ebanghelyo: Mt 13:36-43
Pagninilay:
Isinulat po ni Bro. Eugene Leaño ng Society of St. Paul ang ating pagninilay.
Mga kapatid, meron tayong mga kakilala na alam natin na gumagawa ng hindi maganda, o kaya nama’y napaka-agresibo at para bang laging naghahanap ng gulo. Meron rin naman tayong kilala na ubod ng kabutihan, o kung hindi man, e talagang nagsusumikap na magpakabuti. Binibigyan ng diyos ng grasyang mabuhay ang masama, kaparehas lang ng mabuti. Kaya’t minsan, marami ang nagtatanong: “ano pa bang silbi ng pagpapakabuti ko e sa nakikita ko, yung masasama pa nga yung mas umaangat at umaasenso sa buhay. Tinitiyak sa atin ni hesus sa mabuting balita na hindi pa ngayon ang panahon ng pagpapataw ng hustisya. Kaya’t walang dapat ikapangamba sa pag-unlad sa buhay ng masasama. Ngunit dapat nating i-check ang ating sarili: ako ba ay nagpapakabuti dahil lamang sa gusto ko ng gantimpala? O upang huwag maparusahan sa huli? Hindi ba dapat nagpapakabuti tayo dahil ang diyos na nagmamahal sa atin at atin ding minamahal ay mabuti, at gusto nating maging tulad niya para mas mapalapit sa kanya? Kapatid, ano ang motibasyon mo sa pagpapakabuti?