Daughters of Saint Paul

HULYO 31, 2020 – BIYERNES SA IKA-17 LINGGO NG TAON | Paggunita kay San Ignacio ng Loyola, pari

EBANGHELYO : Mt 13:54-58

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero di ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? di ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Seminarian Braindel Rene Cabanog ng Diocese of Paranaque ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Magkasabay lagi ang kaalaman at ang katandaan. Habang nagkakaedad, dumarami ang ating natututunan. Nabubuo sa atin ang mga “thought patterns,” o yung kakayahang umintindi ng isang bagay base sa kung paano tayo mag-isip. Sa ating Ebanghelyo ngayon, natunghayan natin ang reaksyon ng mga kababayan ni Jesus. Ayon nga sa isang salin, “Bumilib ang mga nakarinig sa kanya. ‘Wow! Ang galing nya! Saan kaya nanggaling ang talino nya?’” Pero sa sumunod na eksena, nakita natin kung paano nagtaka ang mga kababayan ni Jesus. Alam kasi nila ang kanyang background. Sa kanilang pagtanda, nakahon sa kanilang isipan na si Jesus ay anak lamang ng isang karpintero, na ang nanay at ang mga kapatid nya ay taga-Nazareth lang din. Bagama’t maganda at effective in general ang pagkakaroon ng “thought patterns,” naroon din ang pangamba ng pagiging sarado ng utak at puso./ Mga kapatid, ang santong ginugunita natin ngayon na si San Ignacio ng Loyola, bago nya itinatag ang Society of Jesus, ay pakikipaglaban lang ang nasa isip noon, hanggang napuruhan ang kanyang binti. Habang siya’y nagre-recover, binabago din ng Diyos ang kanyang “thought pattern.” Masasabi natin na parang bumalik ulit sya sa pagkabata dahil bukod sa di pa sya makalakad noon, ay nagsimula na rin syang kilalanin si Jesus. Kaya nang makalakad, bagama’t ika-ika na, si San Ignacio ay nagpaakay sa Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay. Nawa’y maging tulad din tayo ng isang bata: bukas lagi ang puso at isip, at handang magpaakay sa Diyos. Nang sa gayon, ang isip at puso ng Diyos ang siyang manaig, imbes na sa atin.