Daughters of Saint Paul

HULYO 31, 2023 – SAN IGNACIO DE LOYOLA

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa panhuling araw ng Hulyo, ginugunita natin si San Ignacio de Loyola, na isang pari – tagapagtatag ng Kapisanan ni Hesus.  Happy feast day sa mga Jesuit priests’ and brothers at sa lahat ng mga parokyang nagdiriwang ng kapistahan ngayon. (Pasalamatan natin ang Diyos kay San Ignacio de Loyola, ganun din sa lahat ng mga biyaya at pagpapalang tinanggap natin sa buong buwan.  Sa tulong panalangin ni San Ignacio, hilingin nating maging kasangkapan tayo sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos, sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa.)  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata tatlumpu’t isa hanggang tatlumpu’t lima.

EBANGHELYO: MATEO 13:31-35

Binigyan ni Hesus ang mga tao ng isa pang talinghaga: “Naikukumpara ang Kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki ito sa mga gulay at parang isang puno—dumarating ang mga ibon ng Langit at dumadapo sa mga sanga nito.” At sinabi ni Hesus ang iba pang talinghaga: “Naikukumpara ang Kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” Itinuro ni Hesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: ‘Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.’

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Paano’ng magiging puno ang isang butil? Bakit ang mumunting buto ng mustasa, inihalintulad sa Kaharian ng Diyos? Simulan natin sa katiting na binhi. Ang dami palang benefits ang mustard seed. Kapag naging mustard essential oil na, nakakapigil siya ng pagtubo ng harmful bacteria sa ating katawan, nakakabagal ng pagtubo ng cancer cells, nakakatulong sa pagpapaimpis sa mga namamaga, nakakagamot sa sintomas ng sipon.  Isang abang butil pero kapakipakinabang. Pwede natin itong tawagin na mysterious mixture of the essence of the Cross. Ito ang pinaghalong kababaang-loob at kaluwalhatian. Pinagsamang kahinaan at lakas. Ang timpladong anghang, pait, at linamnam. Sa Krus naroon ang pagpapakasakit, kamatayan, kaligtasan at walang hanggang buhay.  Sa Krus din nababalot ang diwa ng Kaharian ng Diyos. Ang tuwa sa pag-aalay ng buhay. Tayong lahat, hinirang na ipalaganap ang Kaharian. Hindi nga ba: “Giving is the essence of living”? Makabuluhan ang pagbabahagi sa pamumuhay. Oo nga’t pinaghirapan natin ang ibinibigay natin, pero kung magagalak ang iba, isa na itong langit. Kapag pinagsikapan natin at ibinahagi natin sa nangangailangan, isa na itong kaharian. Panalangin ko, na sana maging masigasig tayo sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos. Be a single mustard seed everyday. Exert effort to offer acts of kindness in a very loving way.