Ebanghelyo: Mt 13:44-46
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay. Nakakatuwang isipin sa ating ebanghelyo ngayong araw na matapos makita ng isang tao ang kaharian ng Diyos tulad ng isang kayamanan, muli niya itong ibinaon, ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang lupaing iyon. Sa sumunod na parabula, ganun din ang nangyari, matapos makita ang “pearl of great price” ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian para sa natatanging perlas na iyon. Ang Kaharian po ng Diyos ay hindi isang lugar o espasyo. Ang kaharian ng Diyos ay isang relasyon, isang kaganapan. Kung nasaan ang Mabuti, maganda, at anumang bagay na naaayon sa kalooban ng Diyos—doon siya naghahari. Kaya nga’t magandang pagnilayan ito: Bakit ba nila binubuwis ang lahat lahat para sa paghaharing iyon? At sapat na din itong ebidensya na kung masumpungan at maranasan natin ang paghahari ng Diyos tiyak na masisiyahan tayo, magiging ganap at lubos ang kagalakan sa ating mga puso.
Kung mundo ang pamantayan ng ating kasiyahan, kailanma’y hindi tayo magiging tunay na masaya. Dahil tinuturuan tayo ng mundo na maging ganid, we want always more! Ang kaharian ng Diyos ay tinuturan tayo na makuntento, maging buo at tunay ang galak sa puso dahil alam mong kung nasa piling ka ng Diyos, ano pa ba ang hindi mo kayang mapagtagumpayan? Sa araw pong ito ginugunita natin ang isang dakilang Santo ng ating simbahan: si San Ignacio de Loyola. Napapanahong pagnilayan din natin ang kanyang tinuran buhat sa dasal na kanyang itinuro: Kunin Mo, oh Diyos, at tanggapin Mo Ang aking kalayaan, ang aking kalooban, ang Isip at gunita ko, lahat ng hawak ko lahat ng loob ko ay aking alay sa ‘Yo… Ipagkaloob Mo lang ang pag-ibig Mo at lahat ay tatalikdan ko. Tatalikdan ko. Pagnilayan natin ‘yan ngayong araw mga kapanalig: ano pa ba ang kaya kong talikdan upang mas maging ganap at buo ang kagalakan sa aking puso, kung saan Diyos lamang ang tunay na naghahari. Amen.