Gen 19:15-29 – Slm 26 – Mt 8:23-27
Mt 8:23-27
Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus.
Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Bakit kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat.
Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”
PAGNINILAY
Sa mga kaganapan sa ating bansa at sa mundo ngayon na tila nananaig ang karahasan at kasamaan, ang kasinungalingan at kawalan ng paggalang sa buhay ng tao, kamustahin natin ang ating pananampalataya? Nananatili pa rin ba itong masigla, buhay at matatag? o umaandap-andap na lamang, nalilito at nalulugmok sa kawalan ng pag-asa? Sa mga sunod-sunod na trahedya ng karahasan – sa Marawi, sa Resorts world, sa nagpapatuloy na pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, sa banta ng terorismo sa ating bansa at sa iba’t ibang panig ng mundo – hindi maalis sa atin ang matakot, mangamba at magtanong: Nasaan ang Diyos sa gitna ng unos at bagyong ito? Natutulog ba Siya? Bakit Niya hinahayaang mangyari ang lahat ng kaguluhan, patayan at paghasik ng lagim ng mga teroristang grupo katulad ng ISIS, Maute group, Abu Sayyaf at iba pa? Batid ko na marami sa atin ngayon ang namumuhay sa takot at pangamba kung saan hahantong ang lahat ng ito. Ano ang mangyayari sa ating bansa at sa mundo kung magpapatuloy ang mga karahasang ito? Mga kapatid, ang mga pangyayaring nararanasan natin ngayon, paanyaya sa mas malalim na pananampalataya natin sa Diyos. Muli tayong pinapaalalahanan ng Ebanghelyo na sa gitna ng mga unos at bagyong ating nararanasan, kumapit tayo sa Diyos. Manalig tayo sa Kanyang kagandahang-loob. Manalig tayo, na Siyang Maylikha sa atin ang may ganap na kontrol sa ating buhay at pag-iral sa mundo. Kaya wala tayong dapat ikatakot! Bagkus, lalo pa nating palakasin ang ating pagtitiwala sa Kanya. Sinasabing ang pananampalataya, pagtataya sa Panginoon, paniniwala sa Kanya, at pagtitiwalang magaganap ang Kanyang pangako sa panahong Kanyang itinakda. Kaya sama-sama tayong, manikluhod sa Panginoon at manalangin: Panginoon, pawiin mo po ang takot at pangamba sa aking puso. Panibaguhin Mo po at papag-alabin ang humihina kong pananampalataya. Amen.
