Daughters of Saint Paul

HULYO 4, 2019 HUWEBES SA IKA-13 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 9:1-8

Sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘tumayo ka at lumakad’? Dapat ninyong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi.” Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Seminarian Kerence Fritz Faderanga, aspirant ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  “Pre, ang ganda-ganda niya, ang lambing-lambing ng boses niya, alam mo yung tipong, parang nakikinig ka sa isang anghel. Ang sarap sarap niya talagang kausap, kahit araw-araw hindi ako magsasawa…. Kaso, ako lang ata ang nakararamdam ng ganon eh, wala naman ata siyang paki-alam sa nararamdaman ko. Ano kaya pre ang pwede kong gawin?” mga katagang madalas kong marinig sa mga kaibigan ko noong high school pa lang ako. Minsan nama’y “Pre, muntik na akong mahuli ng gf ko, buti na lang nakita ko sya agad at nakaiwas kami.” Dalawang problema subalit isa lang ang binigay kong solusyon, ang pag amin ng katotohanan. Kailangan nating sabihin sa taong nais nating ligawan ang ating nararamdaman. Gayon din naman, kailangan din nating aminin kung may pinapaasa tayo para matapos na at maging malinaw ang lahat. PAG-AMIN, salitang napakadaling sabihin pero mahirap gawin. Sa Ebanghelyo sa araw na ito, ito rin ang nais ipabatid ni Hesus, aminin natin sa kanya ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagkumpisal sa pari na binigyan Niya ng owtoridad para makapagpatawad ng ating mga kasalanan. Isa rin itong pag amin na tao lang tayo na nagkakamali, nadadapa, natutukso at nagkakasala. Inaanyayahan tayo ni Hesus na suriing mabuti ang ating mga sarili, aminin ang kasalanan at ikumpisal ang mga ito. Pagkatapos, pagsisihan natin ang mga ito. Mga single, mga may asawa at kasintahan, mga sawi, mga patuloy na naghahanap, maging ano pa man ang estado mo sa buhay, inaanyayahan tayo ni Hesus na maging makatotohanan, nang sa gayon, we can live happily and peacefully ever after. Pagkakataon na nating lahat, pagnilayan natin, ilapit natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali at ihingi ang mga ito ng kapatawaran.