Daughters of Saint Paul

HULYO 5, 2018 Huwebes sa ika-13 na Linggo ngTaon / San Antonio Maria Zaccarias, pari

MATEO 9:1-8

Muling sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi. Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.

PAGNINILAY:

Labas-masok na si Louie sa rehab. Anak-mayaman kaya kayang magpabalik-balik, pero nagre-relapse tuwing lalabas siya. Gusto niya talagang magbago pero kapag nakita na niya ang dating barkada, bumibigay pa rin siya, at balik na naman sa dating bisyo.  Panglimang rehab na niya ngayon at pagod na siya. "May pag-asa pa ba akong magbago?" tanong niya sa sarili. Masipag siyang sumusunod sa mga alituntunin ng rehabilitation center pero madalas siyang magmukmok sa isang tabi, matamlay at di-kumikibo kung hindi kakausapin. Isang araw, binisita siya ng ama. Gulat na gulat siya dahil huling beses niyang nakita ito noong ikapitong birthday party niya. Patuloy silang sinustentuhan sa lahat nilang pangangailangan, pero naglaho na itong parang bula at hindi na nagpakita mula noon. Kaya naman ganoon na lang ang galit niya sa ama. Nag-usap sila nang matagal at tila nagbago ang mundo ni Louie nang maka-alis na ang ama. Masaya at masigla niyang ginagampanan ang toka niya sa rehab, at nang tanungin siya kung ano ang nangyari, paulit-ulit niyang sinasabi: "Mahal ako ng Daddy ko! Hindi niya ako pababayaan at sinusuportahan niya ang pagbabago ko! Kaya ko ito!"  Ganito rin siguro ang naramdaman ng paralitiko sa ebanghelyo nang sabihan siya ni Jesus: "Lakasan mo ang iyong loob, anak. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan."  Buksan natin ang ating puso at mga kamay nang walang paghahatol para tanggapin ang mga kapatid nating nagsisikap magbago. Pwede mo bang ipakita ang mukha ni Kristo sa iyong pagpapatawad at pagtanggap sa kanila?