Daughters of Saint Paul

HULYO 5, 2023 – MIYERKULES NG IKA-13 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON – San Antonio Maria Zaccaria     

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules kapatid kay Kristo.  Ikalima ngayon ng Hulyo, ginugunita natin si San Antonio Maria Zaccaria, na isang pari.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin natin ang katatagan ng pananampalatayang mapaglabanan ang tuksong nagbubulid sa atin sa pagkakasala.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Ihanda na natin ang sarili sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata walo, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu’t apat.

Ebanghelyo: Mt 8:28-34

Pagdating ni Hesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Hesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy—at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Hesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Tina Madrigallos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Naparito ka ba upang pahirapan kami bago dumating ang panahon?”  Ito ang katanungan kay Hesus ng mga taong inaalihan ng demonyo. Anupa’t, nakilala nila kung sino si Hesus. Na siya ang Anak ng Diyos na nagkatawang tao. At alam din nila na sila ay mapaparusahan pagdating ng panahon. Mga kapatid, ano mang kasalanan ng tao, naglalayo ito sa kanya, hindi lamang sa Diyos kundi pati sa kanyang kapwa. Sabi nga, “Every sin in a way, is a social sin.” Dahil may epekto ito sa pakikitungo natin sa iba. It separates us from the society. Marahil kaya ang mga taong inalihan ng demonyo ay nakatira sa libingan. Walang makalapit sa mga ito at sabi nga sa Ebanghelyo, “walang makadaan sa dako nila.” Pero nang papalapit si Hesus, sinalubong nila siya. Inutusan sila ni Hesus na pumaroon sa kawan ng mga baboy upang mapalaya ang dalawang napossess ng demonyo. Pero imbes na matuwa ang buong lungsod ay nalungkot pa. Walang nais ang Diyos sa atin kundi ang mapalaya tayo sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya.  Sana’y lagi nating buksan ang ating puso sa Diyos at laging piliin Siya higit pa sa mga yaman o anumang materyal na bagay. Amen.