Daughters of Saint Paul

HULYO 6, 2022 | MIYERKULES IKA – 14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Ebanghelyo: Mateo 10:1-7

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Hesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit.’”

Pagninilay:

Ang mga apostoles ay nagmula sa iba’t-ibang lugar, may iba’t-ibang trabaho at family background, iba’t-ibang antas ng pinag-aralan, at may iba’t-ibang ugali. Nguni’t silang lahat, ay pinili ni Hesus, di alintana ang kanilang pagkatao, upang maging kabahagi sila ng Kanyang buhay at ng Kanyang misyon. Napakagandang isipin na katulad ng mga apostoles, ikaw at ako, ay itinatangi at tinatawag din ng Diyos, upang maging kabahagi ng buhay ni Hesus. Ang salitang apostol, ay nangangahulugang “ipinadala.” Bakit sila pinili ni Hesus at ipinadala? Dahil may misyon sila at ang kanilang mensahe: “Nalalapit na ang kaharian ng langit.” Ang kaharian ng langit, ay ang kaharian ng Diyos. Tulad ng mga apostoles, tayo rin ay tinatawag na isabuhay at ipahayag ang kaharian ng Diyos, sa ating pakikisalamuha sa ating kapwa. Sa ating pagsisikap na gumawa ng kabutihan sa mga nagdurusa, sa mga may kapansanan, sa mga maysakit, ay maiibsan ang kanilang pagdurusa at madarama nila ang presensya ng Diyos. Masasabi kaya ng sinuman, na ang kaharian ng langit o ang kaharian ng Diyos ay nalalapit na, sa pamamagitan ng ating pakikipag-kapwa at pakikipag-ugnay sa kanila? Ang Diyos na sumasaating puso, ang magpapahayag nito, sa pamamagitan ng ating pag-aaruga, pang-unawa at pagmamahal sa ating kapwa.